IMUS CITY, Cavite — Dalawang hinihinalang sangkot sa ilegal na droga ang naaresto matapos makumpiska ng mga awtoridad ang humigit-kumulang 500 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng tinatayang ₱3.4 milyon sa isang buy-bust operation sa Barangay Buhay na Tubig noong Agosto 13.


Kinilala ang mga nadakip sa mga alyas na “Ryan,” 33, at “Mark,” 35. Ayon sa mga awtoridad, kabilang umano ang dalawa sa mga personalidad na sangkot sa malakihang bentahan ng ilegal na droga sa lugar.
Pinangunahan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Cavite Provincial Office, sa pakikipagtulungan ng Cavite Maritime Police Station, ang operasyon na nagresulta sa pagkakasamsam ng limang plastic bag na naglalaman ng puting mala-kristal na substansiyang hinihinalang shabu.
Bukod sa ilegal na droga, narekober din ng mga operatiba ang buy-bust money, isang smartphone, isang multi-purpose vehicle (MPV), susi ng sasakyan, at driver’s license na pinaniniwalaang may kaugnayan sa operasyon.
Nasa kustodiya na ng PDEA ang mga suspek habang isinasagawa ang kaukulang dokumentasyon at pagsusuri sa mga nakumpiskang ebidensya.
Inihahanda na rin ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Section 5, kaugnay ng Section 26(b), Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa dalawang suspek dahil sa umano’y sabwatan sa pagbebenta ng ilegal na droga. #RPB
SOURCE: CAVITE PRESS CORPS
Discover more from Rexpress Balita
Subscribe to get the latest posts sent to your email.















Leave a Reply