MANILA, Philippines — Umakyat na sa 32 ang bilang ng nasawi dahil sa pinalakas na habagat, na patuloy na nagdudulot ng malalakas na pag-ulan, pagbaha, at landslide sa iba’t ibang bahagi ng bansa, ayon sa Office of Civil Defense (OCD) nitong Sabado, Agosto 29.
Tinatayang walong milyong indibidwal o 2.3 milyong pamilya ang naapektuhan sa 10 rehiyon, kabilang ang CAR, Ilocos, Cagayan Valley, Central Luzon, NCR, Calabarzon, Mimaropa, Bicol, Western at Eastern Visayas, at Zamboanga Peninsula.
Pinakamaraming nasawi sa Benguet na may 15, kasunod ang tig-apat sa Rizal at Batangas; tig-dalawa sa Occidental Mindoro at Caloocan; at tig-iisa sa La Union, Quezon, Oriental Mindoro, at Negros Occidental. May isa pang kaso na bineberipika pa.
Nasa 19 ang sugatan habang tatlo ang nawawala sa Quezon City, Maynila, at Batangas.
Dahil sa patuloy na epekto ng habagat at mga nagdaang bagyo, umabot na sa 117 lugar ang isinailalim sa state of calamity, kabilang ang mga lalawigan ng Benguet, Bataan, Bulacan, Pampanga, Zambales, at Cavite, pati ilang lugar sa Pangasinan, Occidental Mindoro, Rizal, Batangas, at Dagupan.
Nananatili ring binabaha ang 297 lugar, karamihan sa Central Luzon.
Sa pinsala, umabot na sa P6.11 bilyon ang sa imprastraktura at P2.32 bilyon sa agrikultura. Samantala, P1.65 bilyon na ang naipamahaging tulong sa mga apektadong pamilya.
Sa Pampanga, inanod ng rumaragasang baha ang isang dalawang palapag na bahay matapos umapaw ang Sta. Rita Dam at bumigay ang dike. Nakalikas naman nang ligtas ang mga residente bago ito tuluyang gumuho.
#DiyaryoMilenyo
Discover more from Rexpress Balita
Subscribe to get the latest posts sent to your email.















Leave a Reply