Advertisement

BAGONG YUGTO NG PAMUMUNO SA DASMARIÑAS: JENNY, KINATAWAN NG 4TH DISTRICT; THIRD, BILANG ALKALDE; VICE MAYOR, SINO ANG UUPO?

DASMARIÑAS CITY, Cavite — Pormal nang iniluklok si Mayor Jennifer “Jenny” Narvaez Austria-Barzaga bilang bagong kinatawan ng Ika-4 na Distrito ng Cavite matapos manguna sa katatapos lamang na special elections noong Sabado, Agosto 29.

Batay sa opisyal na bilang ng boto, nakakuha si Barzaga ng 201,893 boto o 78.14 porsyento ng kabuuang boto. Pumangalawa si dating Vice Mayor Rex Mangubat na may 30,373 boto (11.76%), sinundan ni Jess Frani na may 24,350 boto (9.42%). Samantala, nakakuha naman sina Marvin Opamin Dupal-ag ng 1,184 boto (0.46%) at Leysander Ordenes ng 561 boto (0.21%).

Sa pag-upo ni Barzaga bilang kongresista, awtomatikong umangat sa puwesto ang kasalukuyang Vice Mayor na si Third Barzaga bilang bagong alkalde ng Dasmariñas, alinsunod sa itinakdang rules on succession sa ilalim ng Local Government Code of 1991.

Dahil dito, nabakante ang posisyon ng Vice Mayor, na inaasahang pupunan ng pinakamataas na ranggong miyembro ng Sangguniang Panlungsod o ang konsehal na nakakuha ng pinakamataas na bilang ng boto sa nakaraang halalan.

Sa ilalim ng Section 44 ng Local Government Code, malinaw ang chain of succession sa lokal na pamahalaan: ang vice mayor ang papalit sa mayor, habang ang susunod na pinakamataas na opisyal sa konseho ang hahalili sa nabakanteng posisyon ng vice mayor.

Sa kabila ng pagbabago sa liderato, nananatiling mataas ang inaasahan ng mga Dasmarineño sa bagong hanay ng mga lider, partikular sa pagpapatuloy ng maayos, mabilis, at direktang serbisyo publiko para sa mamamayan.

Sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag ang lokal na pamahalaan hinggil sa pinal na pagsasaayos ng bakanteng posisyon sa pagka-Vice Mayor. Gayunman, inaasahan na ang mga susunod na hakbang ay isasagawa alinsunod sa umiiral na batas.

Sa pagpasok ni elect-Congresswoman Jenny Barzaga sa Kongreso, inaasahan ding mas mapapalakas ang representasyon ng Dasmariñas sa pambansang antas, lalo na sa pagsusulong ng mga programang magpapaunlad sa lungsod at magpapabuti sa kalidad ng buhay ng bawat Dasmarineño. #RBM


Discover more from Rexpress Balita

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

Leave a Reply

Discover more from Rexpress Balita

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading

Discover more from Rexpress Balita

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading