Tuwing sasapit ang Agosto, karaniwan nating iniuugnay ito sa “Buwan ng Wika” —panahong nagbibigay-pugay sa Wikang Filipino at sa iba’t ibang wika at diyalektong bumubuo sa ating pagkakakilanlan bilang isang Pilipino at isang bansa. Panahon ito upang higit nating pahalagahan ang mga salitang nag-uugnay sa bawat Pilipino, saan mang panig ng kapuluan.
Ngunit ngayong Agosto 2026, tila may isa pang katawagang mas tatatak sa ating alaala; at ito ay ang “Buwan ng Habagat.”
Sa loob ng halos tatlong linggo, sunod-sunod na pag-ulan ang naranasan sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Pinalakas pa ng mga bagyong dumaan, kabilang ang Kiyapo, Luis at Maymay, ang habagat na nagdulot ng malawakang pagbaha at pinsala sa maraming komunidad.
Mula sa Metro Manila hanggang sa ilang bahagi ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Pampanga, Bulacan at iba pang lalawigan, maraming pamilya ang naapektuhan. May mga hindi nakapasok sa trabaho, mag mag-aaral hindi na natuto ng lektura, mga negosyong pansamantalang natigil, at mga pamilyang napilitang lumikas dahil sa pagtaas ng tubig.
Sa loob ng mga araw na tila walang tigil ang ulan, naging pamilyar ang amoy ng lugaw, sopas at iba pang maiinit na sabaw sa maraming tahanan at evacuation center. Ngunit sa likod ng simpleng eksenang ito ay naroon ang reyalidad ng mga Pilipinong patuloy na nakikipagsapalaran sa bawat pagbuhos ng malakas na ulan.
Muli ring naungkat ang matagal nang usapin tungkol sa mga flood control projects na malaking epekto nito sa bawat pamayanan. Sa tuwing lumulubog sa baha ang mga komunidad, hindi maiwasang itanong ng mamamayan: “Nasaan ang mga proyektong dapat sana’y pumipigil o nagpapababa sa epekto ng pagbaha?”
Paulit-ulit ang kalamidad, paulit-ulit din ang mga pangako. Ngunit hanggang ngayon, marami pa ring Pilipino ang naghihintay ng malinaw na pananagutan at konkretong solusyon. Hindi sapat ang pagresponde lamang kapag lubog na sa baha ang mga kalsada at kabahayan. Ang tunay na paghahanda ay dapat ginagawa bago pa dumating ang sakuna.
Gayunpaman, sa gitna ng hirap ay nakita rin ang pagtutulungan. Maraming lokal na pamahalaan, rescue groups, volunteers at ordinaryong mamamayan ang kumilos upang maghatid ng ayuda at tulong sa mga higit na naapektuhan ng masamang panahon.
At marahil, dito rin natin makikita ang kahalagahan ng WIKA.
Sa panahon ng sakuna, mahalaga ang malinaw na komunikasyon. Isang babala, isang anunsyo o simpleng mensahe ang maaaring magligtas ng buhay. Ang Wikang Filipino at mga katutubong wika ay nagsisilbing tulay upang mabilis na maunawaan ng mamamayan ang mga impormasyon, babala at panawagan sa oras ng panganib.
Kaya ngayong Agosto, habang unti-unting lumilinaw ang kalangitan at muling sumisilip ang araw, hindi lamang pinsala ng habagat ang dapat nating alalahanin. Dapat din nating balikan ang halaga ng mga salitang nagbubuklod sa atin.
Maaaring tumigil ang ulan. Maaaring humina ang habagat. Maaaring magbago ang panahon. Ngunit hindi dapat huminto ang ating wika.
Sa bawat henerasyon, tungkulin nating pagyamanin, gamitin at ipagmalaki ang Wikang Filipino at ang iba pang diyalekto na bumubuo sa ating pagkatao bilang Pilipino.
Sapagkat ang panahon ay maaaring magbago anumang oras, anumang sandal. Ngunit ang wikang nag-uugnay sa atin ay dapat patuloy na dumaloy—umulan man o umaraw. Huminto man ang habagat, hindi dapat huminto ang ating WIKA sa ating pagkatuto hanggang sa susunod na henerasyon. [REX B. MOLINES]
Discover more from Rexpress Balita
Subscribe to get the latest posts sent to your email.















Leave a Reply