Umabot na sa 24 katao ang nasawi habang 17 naman ang nasugatan dahil sa pinagsamang epekto ng mga bagyong Luis, Maymay at Habagat, ayon sa Office of Civil Defense (OCD).
Sa datos ng OCD nitong Agosto 16, karamihan sa mga nasawi ay mula sa Benguet na may 15 kaso, habang tig-tatlo naman sa Rizal at Batangas, at isa sa Quezon. Kabilang sa mga sanhi ng pagkamatay ang pagguho ng lupa, pagkalunod, pagbagsak ng puno, rockslide at pagkakakuryente.
Nananatili ring nawawala ang tatlong katao sa Batangas. Samantala, kabilang ang Cavite sa mga lugar na may naitalang sugatan bunsod ng masamang panahon.
Aabot na sa 4.9 milyong katao o mahigit 1.4 milyong pamilya ang naapektuhan sa iba’t ibang bahagi ng bansa, kabilang ang CALABARZON, Metro Manila, Central Luzon at iba pang rehiyon.
Nasa 31,456 indibidwal naman ang pansamantalang nanunuluyan sa mga evacuation center, habang tinatayang umabot na sa P689.66 milyon ang pinsala sa sektor ng agrikultura.
Patuloy namang minomonitor ng PAGASA ang dalawang low pressure area sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR), kung saan ang isa ay may katamtamang posibilidad na maging tropical depression sa loob ng susunod na 24 oras. #RPB
Discover more from Rexpress Balita
Subscribe to get the latest posts sent to your email.















Leave a Reply