DASMARIÑAS CITY, CAVITE — Isang parcel na naglalaman umano ng 2.50 gramo ng hinihinalang shabu ang boluntaryong isinuko sa mga awtoridad matapos mapansin ng isang courier rider ang kahina-hinalang butas sa kwelyo ng damit na laman nito.
Ayon sa Dasmariñas City Police, nagtungo sa kanilang tanggapan ang isang empleyado ng courier company at isinuko ang isang transparent sachet na naglalaman ng hinihinalang ilegal na droga. Tinatayang nasa ₱17,000 ang halaga nito batay sa Standard Drug Price (SDP).
Batay sa imbestigasyon, ipinadala ang parcel noong Agosto 9 mula sa isang courier office sa Dasmariñas at nakatakda sanang ihatid sa Ilagan, Isabela.
Nagduda ang delivery rider nang mapansin ang tila hiwa o hindi pangkaraniwang butas sa kwelyo ng damit. Matapos makumpleto ang proseso at dokumentasyon ng sender, sinuri ng courier personnel ang damit at doon natuklasan ang sachet na nakasingit sa loob ng kwelyo.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang sender at iba pang posibleng sangkot sa pagpapadala ng hinihinalang ilegal na droga. #RPB
Source: PHILSTAR
Discover more from Rexpress Balita
Subscribe to get the latest posts sent to your email.















Leave a Reply