Advertisement

“HINDI NA BAGO ”YAN!” – USAPIN SA BAHA, PROBLEMA SA KOMUNIDAD AT POLITIKAL NA ASPEKTO; ITO ANG BAGO DYAN!

“Hindi na bago ’yan!”

Ito ang madalas kong mabasang komento sa tuwing nagbabahagi ako ng mga update tungkol sa pagbaha sa ilang bahagi ng Naic, Cavite. Para sa ilan, tila naging karaniwan na lamang ang ganitong sitwasyon dahil paulit-ulit na itong nararanasan sa paglipas ng mga taon.

Pero naitanong ko sa sarili ko: Tama ba na hanggang “hindi na bago ’yan” na lang ang ating magiging sagot? Para sa mga sanay sa baha sa Naic, malamang yan ang isasagot.

Hindi na bago yan, dahil nasanay na tayo sa baha?
Hindi na bago yan, dahil kahit ilang bahagi malapit sa sentro ng bayan ay nakararanas din nito?
Hindi na bago yan, kaya dapat pagtawanan na lang at tanggapin na lamang?

Kung ganito ang magiging pananaw natin, parang sinasabi na rin natin na wala nang kailangang baguhin. Para bang kailangan na lamang tanggapin ang lumang problema dahil matagal na itong nararanasan.

Pero paano naman ang mga bagong residente ng Naic? Ang mga pamilyang lumipat dito dahil nakita nila ang potensyal ng bayan? Sasabihin ba natin sa kanila na “masasanay ka rin”?

HINDI NA DAPAT GANUN!

Ang pagiging pamilyar sa isang problema ay hindi nangangahulugan na dapat na natin itong tanggapin bilang normal. Ang baha ay isang hamon na dapat solusyunan, hindi isang bagay na dapat pagtiisan habambuhay.

Marami ang nagsasabing isa sa mga dahilan kung bakit nagdadalawang-isip ang ilan na bumili o magtayo ng bahay sa Naic ay ang usapin ng pagbaha. Ngunit para sa akin, hindi dapat maging dahilan ang ilang lugar na nakararanas nito upang bansagan ang buong bayan bilang bahain. TANDAAN, KAHIT SAAN KA PA MAGTUNGO, MAY BAHA. Walang EXCUSE DITO.

Sa totoo lang, ang Naic ay kabilang sa mga lugar sa Cavite na may mataas na lokasyon, itinuturing ito na upperland. Mayroon lamang ilang partikular na bahagi na kailangang bigyan ng mas malaking pansin pagdating sa drainage, flood control, at urban planning.

Ang Naic ay hindi lamang isang simpleng bayan. Ito ay nagsisilbing mahalagang koneksyon sa pagitan ng Cavite, Maynila, Batangas at iba pang bayan na nagsisilbing tulay sa lahat ng transportasyon sa Naic. Sa mga darating na panahon, lalo pang lalago ang papel ng Naic sa pag-unlad, lalo na sa mga bagong imprastraktura at proyekto na magbibigay ng mas malaking oportunidad sa mga Naicqueño.

Kaya nga ang aming naging slogan ay, “BRIDGING NAICQUEÑOS THROUGH NEWS AND UPDATES,” kung saan ay aming pinag-uugnay ang bawat isa sa mas maganda at malawak na posibilidad ng pamumuhay sa bagong henerasyon.

Kaya hindi natin dapat ikulong ang ating bayan sa linyang “hindi na bago ’yan,” sa usapin ng baha, politikal, at iba pang usapin. Siguro, mas mainam na sabihing, “Hindi na bago ang problema, pero panahon na para baguhin ang solusyon.”

Ang tunay na pagmamahal sa bayan ay hindi lamang pagtanggap sa kung ano ang nakasanayan. Ito ay ang paniniwala na may kakayahan tayong pagandahin ang ating kapaligiran, itaas ang kalidad ng pamumuhay, at itulak ang isang mas ligtas, mas maunlad, may katiyakan at puno ng posibilidad ang bayan ng Naic. Bayan para sa lahat, hindi lang sa nakasanayan bagkus, nasa kakayanan ng bawat Naicqueño.

Dahil ang bagong Naic ay hindi dapat manatili sa lumang problema. Ang bagong Naic ay dapat patuloy na umunlad — anumang panahon, saan man tayo naroroon. Ito ang bago dyan!

#NaicUpnext
#BridgingNaiqueños


Discover more from Rexpress Balita

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

Leave a Reply

Discover more from Rexpress Balita

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading

Discover more from Rexpress Balita

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading