Advertisement

“THE BIG ONE” POSIBLENG TUMAMA ANUMANG ORAS

Tila hindi na bago sa atin ang mga balita tungkol sa lindol. Bawat pag-uga ng lupa ay tila paalala ng kalikasang may kapangyarihang hindi natin kayang kontrolin. Ngunit sa likod ng bawat pagyanig, may mas malaking banta na matagal nang binabala ng mga eksperto, ang tinatawag na “The Big One.”

Ang serye ng mga lindol sa iba’t ibang panig ng bansa kung saan ay tumama kamakailan ang 6.9 magnitude sa Cebu, 4.6 sa Baguio, pagyanig sa Batangas, at nitong Oktubre 10, ay naganap ang 7.5 magnitude sa Davao ay hindi dapat balewalain.

Ayon sa mga eksperto, maaaring ito na ang senyales ng tinatawag na “clustered earthquakes,” isang pattern na konektado sa West Valley Fault. Sa madaling salita, unti-unti nang “nagigising” ang mga fault lines sa bansa, at maaaring isa na lamang itong paghihintay ng tamang oras bago tumama ang pinakamalakas na lindol sa kasaysayan ng ating henerasyon.

Kung sakaling mangyari ang “The Big One,” ang mga lungsod ng Calamba, Santa Rosa, at San Pedro sa Laguna at marami pang iba sa paligid ng West Valley Fault ay nasa mataas na panganib. Ayon pa sa mga dalubhasa, tinatayang higit 50,000 katao ang maaaring masawi at mahigit 100,000 ang masusugatan. Hindi ito eksaherasyon, kundi batay ito sa pag-aaral ng PHIVOLCS.

Ngunit sa kabila ng mga babalang ito, tila marami pa rin sa atin ang kampante. Marami pa ring gusaling marupok, at mga institusyong kulang sa disaster preparedness. Paulit-ulit na paalala ng gobyerno at mga eksperto na maging handa, ngunit hanggang saan nga ba ang ating kahandaan?

Mainam ang taimtim na pagdarasal ngunit kailangan din sabayan ito ng aksyon. Dapat ay may “go-bag” sa bawat tahanan, malinaw na plano ng pagtitipon ng pamilya, at kaalaman kung saan ligtas lumabas sa oras ng pagyanig. Dapat ding seryosohin ng mga LGU ang regular na earthquake drill, hindi lang bilang pormalidad kundi bilang aktuwal na pagsasanay sa kaligtasan. Maging ang mga paaralan, pampubliko at pribadong sektor ay dapat makasanayan ang pagsasagawa ng earthquake drill hanggang sa ating matamo ang kaligtasan ng bawat isa sa oras ng sakuna.

Ang “The Big One” ay hindi tanong ng kung kailan, kundi handa ka ba kapag dumating ito? Sa panahon ng kalamidad, hindi sapat ang pag-asa, kailangang may paghahanda. Sapagkat sa huli, walang mas hihigit na sandata laban sa sakuna kundi ang pagiging alerto, disiplinado, at handa. -END-


Discover more from Rexpress Balita

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

Leave a Reply

Discover more from Rexpress Balita

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading

Discover more from Rexpress Balita

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading