Advertisement

π—šπ—”π—Ÿπ—œπ—§ 𝗑𝗔 π—”π—‘π—š π—¦π—”π— π—•π—”π—¬π—”π—‘π—”π—‘π—š π—£π—œπ—Ÿπ—œπ—£π—œπ—‘π—’ 𝗦𝗔 π—£π—”π—šπ—¦π—¨π—žπ—’π—Ÿ 𝗦𝗔 π— π—šπ—” π—§π—œπ—ͺπ—”π—Ÿπ—œπ—‘π—š π— π—šπ—” π—£π—’π—Ÿπ—œπ—§π—œπ—žπ—’

Patuloy ang pag-igting ng sentimyento ng mamamayang Pilipino laban sa mga tiwaling opisyal ng gobyerno. Sa mga kaganapang nagaganap ngayon, makikita ang malawakang anti-corruption rally na nilahukan ng iba’t ibang pribado at pampublikong organisasyon, mga unibersidad, pati na rin ng mga kilalang personalidad. Ang kanilang presensya ay malinaw na patunay na ang laban kontra katiwalian ay hindi lamang laban ng iilang sektor kundi laban ng buong sambayanan.

Hindi na bago sa atin ang katiwalian sa gobyerno, ngunit ngayon, ramdam ko at ng marami nating kababayan na tila umabot na tayo sa sukdulan. Wala nang pinipiling kulay, pangalan, o partidoβ€”lahat ng mapang-abusong politiko ay dapat managot.

Kung tutuusin, bawat isa sa atin ay may ambag sa kaban ng bayan. Bawat buwis na ating binabayaran, bawat pawis at hirap na pinupuhunan natin sa trabaho, ay dapat sana’y bumabalik sa atin sa anyo ng maayos na serbisyo, ligtas na komunidad, at marangal na pamumuhay. Ngunit ano ang nangyayari? Sa halip na progreso, paulit-ulit tayong nananakawan ng iilang makapangyarihan.

Maraming Pilipino ang nananahimik sa loob ng mahabang panahon, dala ng takot at banta sa kanilang kaligtasan. Subalit ngayong lumalakas ang boses ng masa, unti-unting nawawala ang pangamba at nagiging mas matatag ang paninindigan. Maging ang mga nasa malalayong probinsya, na walang kakayahang makapunta sa mismong mga pagtitipon, ay nakikibahagi gamit ang social media at iba’t ibang plataporma ng mass media upang maipadama ang kanilang pakikiisa. Kahit hindi ako nakapunta sa mismong mga rally, patuloy akong nakikiisa gamit ang social media at anumang plataporma na maaari kong gamitin.

Bilang isang manunulat sa loob ng labing-tatlong taon, aminado akong may mga pagkakataon na ako’y nanahimik dahil sa takotβ€”takot para sa aking pamilya, at takot na maging biktima ng masamang sistema. Ngunit ngayong unti-unting lumalakas ang tinig ng sambayanan, mas lalong tumitibay ang loob ko na ipahayag ang aking saloobin.

𝙉𝙖𝙠𝙖𝙠𝙖π™₯π™–π™œπ™€π™™ 𝙣𝙖! 𝙒𝙖𝙠𝙖𝙨𝙖𝙣 𝙣𝙖! Huwag nang magpadala sa matatamis na pangako, at huwag nang iluklok muli ang mga abusadong politiko. Kung hindi titigil ang ganitong bulok na sistema, paulit-ulit lamang na mauubos ang kaban ng bayan habang patuloy na nagdarahop ang ordinaryong Pilipino. Samantala, ang mga tiwaling politiko at negosyanteng kanilang kasabwat ay patuloy na lumulobo ang kayamanan.

Dapat nating tandaan: tayo ang talunan kung mananatili tayong bulag, pipi’t bingi. Ngunit kung tayo’y magkakaisa, wala ni isang tiwaling politiko ang makakatalo sa boses ng bayan. Panahon na upang iwaksi ang katiwalian at ibalik ang dangal sa pamahalaan. β€œπ™Žπ™π™Šπ™‹ π™π™‡π™Šπ™Šπ˜Ώπ™„π™‰π™‚ π™π™Ž 𝙒𝙄𝙏𝙃 π˜Ύπ™Šπ™π™π™π™‹π™π™„π™Šπ™‰!”

Photo credit: Philstar


Discover more from Rexpress Balita

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

Leave a Reply

Discover more from Rexpress Balita

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading

Discover more from Rexpress Balita

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading