PABOR KA BA SA PANUKALANG ITO, KA-TNRM!
Marahil hati ang opinyon ng bawat isa sa atin ukol sa maselang usaping ito. Pero, dapat nga bang ibaba sa 10-anyos ang edad na maaaring panagutin sa “Heinous Crimes?” ang isang menor-de-edad na nakagawa ng isang uri ng krimen? Pag-usapan natin ‘yan!
Isang pagsilip sa panig bawat mamamayan sa harap ng patuloy na usapin tungkol sa kriminalidad sa bansa, kung saan ay muling lumutang ang kontrobersyal na panukalang batas na nagsusulong na ibaba sa 10 taong gulang ang edad kung kailan maaaring papanagutin ang isang bata para sa mga mabibigat na krimen na mapapatunanyang kanyang ginawa o ang tinatawag na ‘heinous crimes.’
Ano ba ang Heinous Crimes?
Ang heinous crimes ay isang uri ng mabibigat na kasong isinasampa sa mga nagkakasala sa batas, tulad ng pagpatay, panggagahasa, at drug trafficking.
Sa kasalukuyan, ayon sa Juvenile Justice and Welfare Act of 2006, ang mga batang may edad 15 pababa ay hindi maaaring panagutin sa ilalim ng batas, maliban kung mapatunayang sila ay kumilos na may discernment o sapat na pag-unawa sa kanilang ginawa.
Subalit, nais ng ilang mambabatas na mas ibaba pa ito sa 10 taong gulang, lalo na kung ang bata ay sangkot sa mga karumal-dumal na krimen.
Kaya naman, minabuti ko na magtanong sa ilan nating mga kababayan ukol sa usaping ito kung saan ay isinusulong ni Sen. Robin Padilla ang panukalang ito at may mga kongresista at ilang mga senador ang kumukontra rin sa panukalang ito.
Sa mga panayam at talakayan sa komunidad, hati ang pananaw ng ating mga KaMilenyos, ukol sa panukalang ito. May ilan na nagsasabing pabor sila upang magkaroon ng disiplina at panagutan ang mga kabataan.
Ayon kay Mang Ernesto, isang tricycle driver, “Kung kaya na nilang pumatay o gumawa ng matinding krimen, dapat kaya rin nilang managot.”
Subalit, mayorya rin ng mga mamamayan ang tutol sa panukala.
Ayon sa guro na si Ginang Julieta, “Ang mga batang ganyan kabata ay biktima rin ng mas malaking sistema—kakulangan sa edukasyon, kahirapan, at kawalan ng gabay mula sa magulang. Imbes na ikulong, dapat ay tulungan silang itama ang landas.”
Para naman sa mga social workers, naniniwala silang ang solusyon ay hindi pagpapababa ng edad ng pananagutan kundi mas malalim na edukasyon, pagprotekta sa karapatan ng mga bata, at rehabilitasyon.
“Hindi natin mareresolba ang krimen sa pamamagitan ng takot o parusa, kundi sa tamang pag-unawa sa ugat ng problema,” wika ng isang concern social worker na ating nakapanayam.
Pananagutan o Proteksyon?
Ang usaping ito ay hindi lamang legal kundi moral at panlipunan. Kung ibababa sa 10-anyos ang edad ng pananagutan, handa nga ba ang ating mga kulungan, sistema ng hustisya, at lipunan na hawakan ito sa makataong paraan? O, baka sa halip na makamit ang hustisya, mas madagdagan pa ang bilang ng mga batang tuluyang mawawala sa tamang landas?
Sa huli, nananatiling bukas ang tanong na; Pabor ka ba sa panukalang ito, KaMilenyos?
Panahon na upang marinig ang boses ng bawat isa, lalo na ng mga kabataan, magulang, at tagapagtaguyod ng karapatan ng bawat bata na tanging pag-asa ng ating lipunan sa hinaharap. #RBM
Discover more from Rexpress Balita
Subscribe to get the latest posts sent to your email.















Leave a Reply