Advertisement

Pagalingan na Lang Talaga ang Labanan ng Bawat Alkalde sa Pagtugon at Aksyon Sa Kalamidad

Sa patuloy na pagbayo ng masamang panahon dulot ng pinalakas na Habagat at mga Low Pressure Area (LPA) sa bansa, muling nasusubok ang kakayahan ng bawat lokal na pamahalaan na tumugon sa pangangailangan ng kanilang mga nasasakupan.

Sa ganitong mga pagkakataon, hindi sapat ang maglabas lamang ng abiso o maghintay na lumapit ang mga nangangailangan. Ang tunay na hamon ay kung gaano kabilis, kalawak at patas na naihahatid ng isang pamahalaang lokal ang tulong sa bawat komunidad.

Marami tayong naririnig na hinaing mula sa mga residente, lalo na sa mga lugar na malalayo o nasa kasuluk-sulukan ng kanilang nasasakupan. May ilan umanong hindi agad naaabot ng ayuda at serbisyo. Ngunit mayroon ding mga alkalde na pinipiling puntahan at abutin ang kanilang mga kababayan, saan man sila nakatira.

Sa Cavite, may isang alkalde na kapansin-pansin ang pagtugon sa panahon ng kalamidad. Hindi lamang mga komunidad sa baybayin o mga pamilyang nasa laylayan ang inaabot ng tulong. Pati mga residente sa mga subdivision ay binibigyang-pansin dahil ang prinsipyo ay simple: kapag may kalamidad, walang dapat maiwan.

Hindi dapat maging batayan ang estado ng pamumuhay, uri ng tirahan o antas ng kabuhayan para malaman kung sino ang karapat-dapat tulungan. Ang bagyo at baha ay walang pinipiling tirahan. Lahat ay maaaring maapektuhan at lahat ay nangangailangan ng pamahalaang handang tumugon.

Totoo na mas matindi ang pangangailangan ng ating mga kababayang kapos sa buhay. Ngunit hindi ibig sabihin nito na dapat kalimutan ang iba pang mga pamilyang naapektuhan ng sakuna. Sa panahon ng kalamidad, ang responsibilidad ng isang lider ay tiyaking walang komunidad na nakakaligtaan.

Dito nasusukat ang tunay na malasakit ng isang alkalde—hindi sa dami ng larawan o pahayag, kundi sa aktuwal na presensya, bilis ng pagtugon at patas na pamamahagi ng tulong.

Kaya sa mga alkalde at barangay officials, simple ang hamon: pagalingan na lang talaga. Pagalingan sa pag-abot sa mga nangangailangan, pagalingan sa serbisyo, at higit sa lahat, pagalingan sa pagiging patas.

Dahil sa panahon ng Habagat at kalamidad, hindi dapat politika ang nangingibabaw. Ang dapat manaig ay malasakit, serbisyo at pagkalinga sa bawat mamamayan. #RPB


Discover more from Rexpress Balita

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

Leave a Reply

Discover more from Rexpress Balita

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading

Discover more from Rexpress Balita

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading