Advertisement

SAKO NG 5-KILONG BIGAS NA IPINAMAHAGI, MAY MUKHA NG POLITIKO?

Sa gitna ng hagupit ng kalamidad, ang bawat tulong na dumarating sa mga apektadong pamilya ay tunay na mahalaga. Isang supot ng bigas ay malaking tulong para maibsan ang gutom ng ating mga kababayang nasalanta ng hagupit ng Habagat sa tuloy-tuloy na pag-ulan at kalamidad na ating naranasan.

Ngunit, kailangan ba talagang ilagay ang mukha ng isang politiko sa bawat supot ng bigas na ipinamahagi?

Hindi maikakaila na may mga nakatanggap ng tulong na natuwa at nagpasalamat nating mga kababayan na matinding nakaranas ng pinsala ng tuloy-tuloy na pag-ulan sa mga nakalipas na araw, ngunit kapansin-pansin ang nakita kong tig 5-kilo na sako ng bigas na naka-imprinta ang mukha at pangalan ng isang politiko na tila nagiging paraan upang manatiling nakikita ng publiko at ma-recognize ang kanyang pagtulong ‘kuno’. Sa panahon ang pangunahing pangangailangan ng mga tao ay pagkain at kaligtasan, nagiging sensitibo ang usapin kung ang pagtulong ba ay simpleng malasakit o may kasamang personal na pagpapakilala? Kesyo sarili niyang Pera ang ginastos o Pera ng bayan, tila maling-mali pa rin… Paalala lang, HINDI SIYA TATAKBO SA BSKE, KUNDI NAKAUPO NA SIYA SA LALAWIGAN NA LAGING BINABAHA…

Hindi pa man nagsisimula ang opisyal na panahon ng kampanya pang Barangay at Sangguniang Kabataan, may ilan nang nagtatanong kung bakit tila nauuna na ang paglalagay ng pangalan at mukha sa mga tulong na ipinamamahagi. Para sa iba, maaaring simpleng pagkakakilanlan lamang ito ng nagbigay, ngunit para sa iba naman, nagmumukha itong paghahanda sa mas malaking layuning pulitikal.

Hindi ito usapin ng pagtanggi sa tulong. Ang pagtulong ay dapat kilalanin at pahalagahan. Ngunit sa larangan ng serbisyo publiko, mahalaga rin ang tamang intensyon at tamang panahon. Ang tunay na malasakit ay hindi kailangang laging may kasamang pangalan o mukha upang maalala ng mga tao.

May mga umiiral na alituntunin ang Commission on Elections (COMELEC) kaugnay sa paggamit ng pangalan, larawan, o pagkakakilanlan ng mga kandidato at personalidad sa mga gawaing maaaring maituring na pagpapakilala sa sariling pang-POLITIKAL. Kaya mahalagang maging maingat ang mga opisyal at aspiranteng lider upang hindi mabahiran ng isyu ang kanilang magandang inisyatiba.

Sa huli, hindi naman masama ang tumulong. Ngunit sa panahon ng kalamidad, mas dapat mangibabaw ang malasakit kaysa pagpapakilala. Dahil ang tunay na marka ng isang lider ay hindi nasusukat sa mukha na nakalagay sa isang supot ng bigas, kundi sa mga serbisyong naiiwan kahit matapos ang unos.

Dahil kung ang layunin ay tumulong, sapat nang maramdaman ng tao ang malasakit. Hindi kailangang ipaalala sa bawat kilo ng bigas kung sino ang nagbigay. #RPB


Discover more from Rexpress Balita

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

Leave a Reply

Discover more from Rexpress Balita

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading

Discover more from Rexpress Balita

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading