[Posted on 11 August 2018 in Diyaryo Pinoy written by Rex B. Molines]
Tila hindi na matapos-tapos ang paghuhukay sa mga kalsada sa iba’t-ibang pangunahing lansangan sa Kamaynilaan at karatig probinsya. Marami sa atin ang nakararanas ng perwisyong idinudulot ng mga hinuhukay na kalsada saan man tayo magtungo at kahit tag-ulan na ay patuloy pa rin ang paghuhukay sa lansangan.
Sa totoo lang napakalaki ng ating problema sa lansangan, seryosong usapin na dapat bigyang pansin. Isa sa mga nakapukaw ng atensyon ko ay ang mga metal plates na pinapatong lamang sa mga hinuhukay na kalsada na talaga namang marami ang nadidisgrasya dito. Nawawala sa alignment ang mga metal plates na nakapatong sa mga butas na kalsada at patuloy itong dinadaanan ng mga motorista na ang dulot ay disgrasya.

Tulad na lamang sa may kahabaan ng P. Zamora Street sa Pasay City nang minsang ako’y mapadaan dito ay nasaktuhan ko ang pag-semplang ng motorsiklo sa madulas na metal plates sa hinuhukay na kalsada roon. Bagama’t hindi naman napuruhan ang driver ng motorsiklo at siya’y mabilis na sinaklolohan ng mga tao sa paligid. At may mga tumatawid ding indibiduwal na nadudulas sa metal plates kahit hindi ito basa dahil sa plane texture nito. Ang nabanggit na kalsada ay ang kinukumpuning tubo o water supply na bahagi ng Maynilad. Bukod dito, ay ang mga pangunahing kalsada sa Metro Manila at karatig probinsya na patuloy ding inaayos ng Department of Works and Highways (DPWH). Idagdag pa natin ang usapin sa pagsasara ng Otis Bridge sa Manila na kung saan ay nakitaan ito nang sobrang pangambahin sa lahat dahil anumang oras ay pwedeng bumigay ang tulay. At kabilang din ang iba pang mga proyekto ng pagsasagawa ng drainage enhancement program sa NLEX, pagkukumpuni ng elevated guideway ng MRT 7 at emergency leak repair operation sa EDSA at Shaw Boulevard.

Bukod sa pagbibigay ng mga alternatibong ruta ay maglaan sana ng specific lead time o target date ang mga ahensiya kung hanggang kailan magsasagawa ng paghuhukay sa partikular na mga lugar para mabatid ng nakararami kung hanggang kailan magtitiis. Mas mainam kung gagawin ang paghuhukay o pagkukumpuni ng mga kalsada tuwing summer upang hindi makaabala sa lahat kapag umuulan dahil isa sa pinakamalaking risks ay ang magtrabaho sa lansangan kapag umuulan. Makapaglaan sana ang bawat ahensiya ng kongkretong sagot at solusyon tungkol sa usaping ito at maisip ang kaligtasan ng mga motorsista at tumatawid sa butas na bahagi ng mga kalsada at huwag gawing sangkalan ang metal plates upang pagtakpan lamang ang kanilang mga trabahong hindi natatapos. #RBM
Discover more from Rexpress Balita
Subscribe to get the latest posts sent to your email.















Leave a Reply