MANILA — Iginiit ng House prosecution panel na ilegal ang paglilipat ng ₱125 milyon na confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) kay Col. Raymund Dante Lachica noong 2022.
Sa impeachment trial, sinabi ng dating OVP Special Disbursing Officer Gina Acosta na iniutos umano ni Vice President Sara Duterte ang paglilipat ng buong ₱125 milyon kay Lachica, na noon ay hepe ng security detail ng bise presidente.
Ayon kay Acosta, in-encash niya ang tseke noong Disyembre 20, 2022 at agad na iniabot ang pera kay Lachica. Aniya, si Lachica ang may kaalaman kung paano ipatutupad ang confidential activities.
Ayon sa prosecution panel, labag sa government rules ang paglilipat ng confidential funds mula sa isang accountable officer patungo sa ibang opisyal. Dahil dito, sinabi ni Rep. Zia Alonto Adiong na ilegal na umano ang transaksyon mula pa sa simula.
Kinuwestiyon din ng mga prosecutor ang papel ni Lachica dahil tumulong umano siya sa paghahanda ng spending plan at siya rin ang nagsumite ng mga dokumento para sa liquidation ng pondo.
Samantala, sinabi ni Rep. Joel Chua na lumitaw sa testimonya ni Acosta na naging tagapirma at tagapag-withdraw lamang siya ng pondo habang iba ang kumokontrol sa paggamit nito.
Idineklarang hostile witness si Acosta matapos niyang amining empleyado pa rin siya ng OVP at maaaring mawalan ng trabaho sakaling maalis sa puwesto si Duterte. #RPB
Source: Philstar
Discover more from Rexpress Balita
Subscribe to get the latest posts sent to your email.















Leave a Reply