Advertisement

Sa Loob ng Ring at Labas ng Usapan: Ano nga ba ang Ipinaglaban ng “Boxing for a Cause”?

Idineklarang panalo si PNP Chief Gen. Nicolas Torre III “by default” sa ikinasang ‘charity boxing match’ nitong Linggo, Hulyo 27, sa Rizal Memorial Coliseum. Ang dapat sana’y makakaharap niya sa ring, walang iba kundi si acting Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte, ay hindi dumalo at kanyang nilinaw na hindi naman talaga siya naghamon ng suntukan kya Torre.

Sa unang tingin, tila isang makulay na eksena lang ito sa pagitan ng dalawang kilalang personalidad—isang hango sa pelikula o scripted na palabas. Pero sa mas malalim na pagsusuri, makikita natin ang ilang mahahalagang tanong:

Sino ang tunay na nanalo? Ano ang mensaheng naiparating sa publiko? At higit sa lahat, ito ba’y nagbigay dangal sa mga institusyon na kinakatawan nila?

Ang Hamon at ang Tugon

Nag-ugat ang laban sa pahayag ni Baste sa isang vlog noong Hulyo 20 kung saan tinawag niyang “duwag” si Torre. Matapang na sinagot ito ng huli at itinakda ang suntukan—hindi bilang personal na paghaharap, kundi isang charity boxing match para sa mga nasalanta ng kalamidad.

Kung tutuusin, ang ideya ng pag-convert ng tensyon sa pagitan ng dalawang opisyal tungo sa fundraising event ay isang malikhaing hakbang. Sa gitna ng maiinit na komentaryo, naisipan ni Torre na gawing kapaki-pakinabang ang tensyon. At totoo nga, ayon sa kanya, mahigit P300,000 ang nalikom mula sa tickets, bukod pa sa P16 milyon na donasyon—isang malaking tulong sa mga nangangailangan.

Nasaan si Baste?

Habang umaakyat na sa ring si Torre, naka-cloves at naka-unipormeng pamboksing, bigong dumating ang kaniyang inaasahang katunggali. Ayon sa ulat, bumiyahe si Duterte patungong Singapore ilang araw bago ang laban at kalaunan ay nagpahayag na “hindi naman talaga siya naghamon.”

Ang tanong: Kung ganoon, ano ang ibig sabihin ng kanyang mga naunang pahayag? At kung wala talagang intensyong makipaglaban, bakit hindi agad linawin?

Sa kanyang pahayag, sinabing “family day” ang dahilan ng hindi pagdalo. Kung totoo mang ganoon, marahil ay sapat na dahilan ito sa personal na antas. Pero para sa libo-libong nanood, sumuporta, at bumili ng ticket, ang hindi pagdalo ay tila pagkabigo sa isang ipinangakong tagpo.

Laban o Drama?

Hindi rin naiwasan ang espekulasyon ukol sa motibo ng laban. May mga nagsabing pinilit umano ang mga pulis na dumalo—isang alegasyong mariing itinanggi ni Torre. Aniya, kulang pa nga raw sila ng ticket na maibebenta.

Sa kabila ng kawalan ng laban, naging matagumpay ang event sa fundraising. Pero hindi maiiwasang tanungin: Ginamit ba ang boxing bilang distraction sa mas seryosong isyu? O ito ba’y tunay na pagsisilbi gamit ang di-karaniwang paraan?

Pagkilala at Pagninilay

Sa dulo, nararapat pa ring kilalanin ang kabutihang layunin ng event—makalikom ng pondo para sa mga nasalanta. Sa aspetong iyon, may tagumpay si Torre. Ngunit hindi rin maikakaila na ang paggamit ng personal na bangayan bilang pang-akit sa publiko ay may kasamang panganib: baka mawala ang respeto sa mga institusyon na kanilang kinakatawan.

Sa isang demokratikong lipunan, inaasahan nating ang mga pinuno ay magsisilbing huwaran—hindi lamang sa tapang kundi sa hinog na pag-iisip at pagpigil sa bugso ng damdamin. Ang suntukan, totoo man o biro, ay hindi dapat maging pangunahing midyum ng paglilinaw ng saloobin, lalung-lalo na sa gitna ng isang lipunang may mas malalalim na isyung kailangang tugunan.

Maaaring idineklara si Gen. Torre bilang panalo sa ring, pero sa labas nito, ang tunay na hamon ay kung paano patuloy na mananalo sa tiwala ng taong bayan—hindi sa pamamagitan ng kamao, kundi sa matuwid at makataong pamumuno. #RBM

PHOTO CREDIT: Manila Times


Discover more from Rexpress Balita

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

Leave a Reply

Discover more from Rexpress Balita

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading

Discover more from Rexpress Balita

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading