Advertisement

PANGANGAMBA SA ILOG KALYE B. MAYOR SA PASAY CITY

Sa paglilibot ko sa kahabaan ng Malibay lungsod ng Pasay, sinuong ko ang kasuluksulukang bahagi ng Malibay hanggang marating ko ang natatagong ilog doon; ang ilog sa kalye B. Mayor. Kongkreto ang tulay ng ilog at maayos itong nadadaanan ng lahat. Ngunit may panlulumo akong nadama, dahil ang ilog sa kalye B. Mayor ay napapaligiran ng mga basurang nagsisilutangan, may mga kabahayan sa gilid nito at ang pamumuhay ng mga residente roon ay tila nakaamba ang panganib sa nasabing kalye.

30 TAON NA SA KALYE B. MAYOR

Sa aking pagmamasid sa paligid, nakilala ko si Ramon Manguba, 30 at ang misis niya na si Jerrizza Pink Tomas, 25, residente sa B. Mayor Street Malibay Pasay City. Maituturing na laking Pasay ang mag-asawa sapagkat halos 30 taon nang naninirahan sa nasabing lugar kasama ang kanilang mga pamilya. Kasalukuyang nagtatrabaho ang mag-asawa sa Makati, iisang kompanya ang kanilang pinapasukan.

Kabisado na nila ang kalakaran o pamumuhay sa tabi ng ilog. Aniya, shortcut ito para makatawid sa kabilang kalye patungong labasan ng Malibay sa EDSA. Ito ang nagsisilbing ugnayan ng mga residente roon dahil dumurugtong ito sa iba pang kalye na sakop ng lugar. Dahil tago ang kalyeng iyon ay nagmistulang taguan din ito ng masasamang loob at kumpulan ng mga katatakutan. Kaya karamihan sa mga dumadayo rito ay natatakot sa nasabing kalye at ilog.

KUMPULAN NG KATATAKUTAN ANG KALYE B. MAYOR

Dahil sa nalalapit na naman ang buwan ng katatakutan ay nagbahagi sa amin si kuya Mon ng based on true to life experience niya sa kanilang pamamalagi roon. Taon na rin ang lumipas buhat ng matagpuang patay ang kumpare nito sa puno ng balete malapit sa ilog. Napaluluputan ang mga paa nito ng ugat o bagin ng nasabing puno. Ilang araw ang lumipas bago natagpuan ang walang buhay na katawan ng kumpare at ‘di nila batid kung bakit ito pinaluputan ng ugat ng punong balete. At isa pa sa naikwento ng kanyang may bahay na mayroong batang nalunod sa ilog habang ito’y naglalaro roon. May mga nagsasabing natulak ang bata ng engkanto sa ilog.

Agad ko naman ininterrupt ang aming kwentuhan dahil ang pakay ko ay makilala ang lugar bilang isang komunidad na dumadaloy ang pag-asa. Pero ‘di iyon naging madali dahil sa mga pangangambang bumabalot sa ilog kalye B. Mayor.

Larawan mula kina Jerrizza Pink Tomas at Ramon Manguba

LAGPAS TAO ANG BAHA SA ILOG KALYE B. MAYOR

Matapos ang ilang minutong paglilibot doon at pakikipagkwentuhan sa mag-asawa ay bigla namang bumuhos ang malakas na ulan. Halos kalahating oras lamang ang tinagal nito at mabilis namang tumaas ang lebel ng tubig sa ilog at nagmistulang lawa ang buong paligid. Hindi na namin matanaw pa ang kongkretong tulay na aming dinaanan. Mabuti na lang ay tinulungan ako ng butihing mag-asawa.

Aniya, sanay na raw sila sa ganitong paulit-ulit na senaryo. Kaya kapag ang habagat ay dumating at walang-puknat ang pag-ulan. Lagpas tao ang baha roon, lubog din ang mga kabahayan sa gilid ng ilog at ‘di maaring daanan ninuman.

Larawan mula kina Jerrizza Pink Tomas at Ramon Manguba

KALYE B. MAYOR DATING BUKIRIN

Ang nasabing kalye B. Mayor sa Malibay ay isa palang malawak na bukirin noon. Sumasakop ito sa Makati, Taguig, Paranaque at Pasay. Malimit na makikita roon ang mga usa (ibay). Ito’y mababasa rin sa kasaysayan ng Malibay kung ating pagtutuunang pansin.

Ang dating bukirin ay natayuan ng mga kabahayan at malalaking gusali. Naging tulay ng transportasyon at merkado, nagkaroon ng malalawak na kalsada. Bukod tangi ang Pasay sapagkat ito ang dumurugtong sa kamaynilaan at kalapit probinsiya. Kaya naman tinagurian ang Pasay City na “City of Travel” dahil makikita rito ang Airport o ang NAIA, Mall of Asia, Entertainment City, Pasay Business district at iba pa na hanggang ngayon ay maspinauunlad pa ang lugar.

RASYONAL NA KALAGAYAN SA KASALUKUYANG KAGANAPAN NG ILOG B. MAYOR

Dahil na rin sa kakapalan ng taong naninirahan doon at ang malawakang pagbabago ng mga kalapit siyudad ay dahilan kung bakit mabilis bumaha ang ilang bahagi ng kamaynilaan. Patunay lamang ito na ang Makati, Taguig, Paranaque at Pasay ay imbakan ng tubig-ulan dahil sa bumabarang basura sa mga malalaking kanal at ilog na gawa ng tao.

Bukod sa mabilisang pag-apaw ng ilog sa kalye B. Mayor ay dumadaloy ang mga pangangamba na maaring magpahamak sa lahat. Kung kikilatising mabuti ay matatanaw sa ilog ang maganda sanang imahe ng paligid at ang tuluy-tuloy na pag-agos ng pamumuhay ng lahat.

Isa lamang ang ilog kalye B. Mayor sa napakaraming ilog na sakop ng National Capital Region na kapag ipinagsawalang bahala ang pananatili ng kaayusan ng mga ilog at pamumuhay ng lahat, panigurado maraming maaabala rito. #RBM


Discover more from Rexpress Balita

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

Leave a Reply

Discover more from Rexpress Balita

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading

Discover more from Rexpress Balita

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading