GENERAL TRIAS, Cavite — Nahuli ng Bureau of Immigration ang isang 29-anyos na babaeng South Korean na pinaghahanap sa kanyang bansa dahil sa umano’y pagkakasangkot sa malawakang illegal online gambling operation.
Ayon sa ahensya, naaresto ang suspek na si Kim Youngsun noong Agosto 7 sa Brgy. Buenavista I sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Incheon District Court noong Abril 2025. Mayroon din itong Red Notice mula sa Interpol.
Batay sa ulat ng mga awtoridad sa South Korea, kabilang umano si Kim sa pamunuan ng isang grupo na nagpapatakbo ng hindi bababa sa 23 online gambling websites, na nagsimula pa noong 2018 at may operasyon sa Pasay at Quezon City.
Tinatayang trilyong halaga ng Korean won ang nalikom ng sindikato mula sa ilegal na pagtaya sa sports at iba pang uri ng online gambling.
Nabatid din na pumasok si Kim sa Pilipinas bilang temporary visitor ngunit nag-overstay matapos mag-expire ang kanyang visa.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Bureau of Immigration ang suspek habang isinasagawa ang kaukulang deportation proceedings. #RPB
Source: Philstar
Discover more from Rexpress Balita
Subscribe to get the latest posts sent to your email.















Leave a Reply