Advertisement

Mayor Gen. Ted Carranza, Inilahad ang mga Tagumpay at Programa ng Silang sa SOMA 2026

SILANG, CAVITE — Inilahad ni Silang Mayor Gen. Ted Carranza ang mga nagawa, reporma, at pangunahing programa ng lokal na pamahalaan sa kanyang kauna-unahang State of the Municipality Address (SOMA) 2026 na ginanap sa Adventist International Institute of Advanced Studies (AIIAS) sa Brgy. Lalaan I ngayong Lunes, Agosto 17.

Binuksan ang programa ni Municipal Administrator Audie Madrideo sa pamamagitan ng pagpapakilala sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan, mga panauhin, kinatawan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno, mga mamumuhunan, at mga katuwang na kapulisan para sa kaayusan, kaligtasan ng mamamayan ng bayan ng Silang.

Sinundan ito ni Vice Mayor Crispin “Cris” Kidlat Reyes na nagpasalamat sa mga kawani ng pamahalaan, mga punong barangay, civil society organizations, pribadong sektor, at mga mamumuhunan na patuloy na nagbibigay ng suporta sa mga programa at proyekto ng bayan.

Sa kanyang ulat, binigyang-diin ni Mayor Carranza ang kahalagahan ng disiplina, tiwala, maayos na pamamahala, at mahusay na serbisyo publiko. Isa sa mga tampok na usapin sa kanyang talumpati ang kalagayang pinansyal ng bayan, kung saan aniya ay umangat ang audit opinion ng Silang mula sa “Adverse Opinion” noong 2023 tungo sa “Qualified Opinion” noong 2024 at 2025. Binigyang-diin din niya na walang naitalang Notice of Disallowance, na aniya’y indikasyon ng mas maayos na pamamahala sa pondo ng bayan.

Tinalakay rin ng alkalde ang mga proyekto sa imprastraktura at serbisyong panlipunan, kabilang ang pagsasaayos ng mga paaralan, pagtatayo ng mga bagong gusaling pang-edukasyon, at ang nalalapit na pagkumpleto ng pampublikong ospital ng bayan.

Kabilang din sa mga programang binanggit ang Ordinance No. 014-2022 o ang “Carranza Bill,” na nagbibigay ng ₱10,000 emergency hospital deposit assistance para sa mga pamilyang nangangailangan ng agarang tulong pinansyal. Ipinagmalaki rin ng Alkalde ang pagpapabuti ng mga serbisyong pangkalusugan sa pamamagitan ng Lying-in Clinic at iba pang medical consultation programs.

Sa larangan ng edukasyon, binigyang-pansin ang scholarship program sa ilalim ng Ordinance No. 011-2022 na nagbibigay ng pagkakataon sa 50 iskolar kada batch, gayundin ang pamamahagi ng uniform allowances, 60 laptop para sa mga benepisyaryong paaralan, at ang pagtatayo ng pitong bagong school buildings sa tulong ng Department of Education at lokal na pamahalaan ng Lalawigan ng Cavite.

Hindi rin nakaligtaan ang mga programang para sa kabataan, kabilang ang Banyuhay ng Silang Youth Leadership Summit 2026, pagkilala sa mga natatanging kabataan at organisasyon tulad ng Silangueño Localz All-Star Pay 2K26 at Silang Skateboarding Organization.

Ayon kay Carranza, mahalaga rin ang naging papel ng mga mamumuhunan at pribadong kumpanya na patuloy na nagtitiwala at namumuhunan sa Silang, na nagbubukas ng karagdagang oportunidad sa trabaho at negosyo para sa Silangueno.

Sa pagtatapos ng kaniyang talumpati, hinimok ni Mayor Carranza ang bawat mamamayan ng Silang na makilahok at makiisa SA MGA programang magpapaangat sa bayan ng Silang higit ang Turismo at ang magandang lokasyon ng bayan para sa lahat. Aniya, upang matamo ang mabuti at Maayos na pamumuhay, kailangan ng pagkakaisa, pagmamahal sa bayan na maglingkod ng sama-sama para sa mas maunlad, mas ligtas, mas maayos na bagong Silang. #RPB


Discover more from Rexpress Balita

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

Leave a Reply

Discover more from Rexpress Balita

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading

Discover more from Rexpress Balita

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading