INDONESIA — Isang malakas na magnitude 7.7 na lindol ang tumama sa karagatan malapit sa Flores Island sa silangang bahagi ng Indonesia nitong Sabado ng madaling araw, dahilan upang maglabas ng tsunami warning ang mga awtoridad at magdulot ng malawakang paglikas ng mga residente.


Ayon sa United States Geological Survey (USGS), naitala ang sentro ng lindol sa hilagang bahagi ng Flores Island, humigit-kumulang 68 kilometro sa hilagang-kanluran ng Ende. Sinundan ito ng ilang malalakas na aftershock, kabilang ang magnitude 6.1 na pagyanig.
Nagbabala ang Indonesia’s Meteorology, Climatology, and Geophysics Agency (BMKG) na may posibilidad na makalikha ng tsunami ang naturang lindol.
Ayon sa kanilang pagsusuri, maaaring maapektuhan ng tsunami ang mga lalawigan ng East Nusa Tenggara, South Sulawesi, at West Nusa Tenggara. Naglabas din ng alerto para sa mga alon na maaaring umabot mula 0.5 metro hanggang 3 metro ang taas.
Sa bayan ng Maumere sa Flores Island, nakita ang daan-daang residente na nagmadaling lumikas patungo sa matataas na lugar matapos mapansing umatras ang tubig-dagat—isang karaniwang senyales bago ang posibleng tsunami.
Ipinakita rin sa lokal na telebisyon ang paglikas ng mga residente sa Nagekeo Regency at ilang nasirang gusali dulot ng pagyanig. Sa kabila nito, wala pang naitatalang nasawi o nasugatan ayon sa mga awtoridad. Gayunman, nakapagtala na ng tsunami waves na may taas na 19 hanggang 30 sentimetro sa ilang lugar.
Madalas makaranas ng malalakas na lindol ang Indonesia dahil matatagpuan ito sa Pacific Ring of Fire, isang sona ng matinding aktibidad ng lindol at bulkan.
Kabilang sa pinakamapaminsalang lindol sa kasaysayan ng bansa ang magnitude 9.1 na lindol noong 2004 sa Sumatra na nagdulot ng tsunami at ikinamatay ng mahigit 220,000 katao sa iba’t ibang bansa, kabilang ang halos 170,000 sa Indonesia.
Noong 2018 naman, mahigit 550 katao ang nasawi sa serye ng lindol sa Lombok, habang higit 4,300 ang namatay o nawawala matapos ang magnitude 7.5 na lindol at tsunami sa Palu, Sulawesi. #RPB
Discover more from Rexpress Balita
Subscribe to get the latest posts sent to your email.















Leave a Reply