Maaaring maging isa sa mga pinaka-aabangan at liligawan na kandidato sa darating na presidential election si dating Vice President at kasalukuyang Naga City Mayor Leni Robredo, ayon kay dating Presidential Adviser for Political Affairs Gabby Claudio.
Ayon kay Claudio, posibleng maging sentro ng mga usaping pampulitika ang dalawang tanong kaugnay kay Robredo—kung mahihikayat ba siyang muling tumakbo sa pagka-pangulo at kung sino ang magiging kanyang magiging ka-tandem sa halalan.
“Sa ngayon sa nakikita ko talaga si Mayor Leni pa rin at siya ang hinahabol ng administration. Many of her colleagues in the yellow and pink forces, dalawa ang pag-uusapan siguro diyan. No. 1, paano kumbinsihin, pangalawa sino ang puwedeng ka-tandem ni Leni,” ani Claudio sa isang panayam sa Bilyonaryo News.
Si Robredo ay nagsilbing bise presidente mula 2016 hanggang 2022 at tumakbo sa pagka-pangulo noong 2022, kung saan pumangalawa siya kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Matapos ang national race, bumalik siya sa lokal na pamahalaan at nanalo bilang alkalde ng Naga City noong 2025 midterm elections.
Ayon pa kay Claudio, kung muling tatakbo si Robredo sa pagka-pangulo, maaaring kailanganin ng kanyang grupo o maging ng isang posibleng alyansa sa administrasyon ang isang vice presidential candidate mula sa Visayas o Mindanao upang magkaroon ng balanse sa tiket.
Kabilang sa mga nabanggit niyang posibleng personalidad ang magkapatid na sina Senador Raffy at Erwin Tulfo, na may ugnayan sa Visayas, bagama’t hindi siya nagtukoy ng tiyak na magiging ka-tandem ni Robredo.
Samantala, naging usap-usapan ang magkahiwalay na pagbisita nina Public Works Secretary Vince Dizon at Senador Erwin Tulfo kay Robredo sa Naga City. Bagama’t iniuugnay ito ng ilan sa posibleng pagbuo ng alyansa, sinabi ng mga opisyal na nakatuon ang kanilang pagbisita sa mga usaping imprastraktura at lokal na proyekto.
Sa kabila ng mga espekulasyon, nananatili pa rin ang ilang personalidad na nangunguna sa mga paunang preference survey para sa 2028 presidential race, kabilang si Vice President Sara Duterte, habang sina Robredo at Raffy Tulfo ay kabilang sa mga binabantayang pangalan sa posibleng labanan.#RPB
Discover more from Rexpress Balita
Subscribe to get the latest posts sent to your email.















Leave a Reply