Nagsimula na nga ang unang araw ng national campaign para sa lahat ng senatorial candidates at party-list groups sa local, national, at BARMM bilang paghahanda para sa nalalapit na May 12 midterm elections. Ito rin ang unang pagkakataon na personal kong masaksihan ang isang campaign rally dito sa lalawigan ng Cavite, kung saan muling nadama ang alab ng pagmamahal, tiwala, at suporta ng mga Caviteño sa ating dating bise presidente, Atty. Leni Robredo, at sa kanyang buong team noong 2022 national elections.
Ganito rin kainit ang naging pagtanggap sa pangangampanya nina senatorial candidates Kiko Pangilinan at Bam Aquino sa bayan ng Dasmariñas. Maaga silang nag-ikot sa iba’t ibang barangay kasama sina Sen. Risa Hontiveros, Professor Chel Diokno, at mga kinatawan ng Lokal na Pamahalaan ng Dasmariñas. Naroon din ang presensya nina Mayor Jenny Barzaga, Vice Mayor Rex Mangubat, at ang buong Team Dasmariñas.
Nahuli man ako ng dating, naabutan ko pa rin ang simula ng campaign rally sa loob ng Dasmariñas City Arena. Ito rin ang unang beses kong makapasok sa naturang Arena, isang bagong karanasan para sa akin ang makarating sa ganitong event para sa lahat ng mga nangangarap ng maayos na pamumuno sa bansa.
Punong-puno ng sigla at inspirasyon ang programa. Maraming bisita ang nagpahayag ng suporta para sa Kiko-Bam tandem, at ipinakita ito sa pamamagitan ng pagkanta, pagsayaw, at sabay-sabay na paghiyaw ng mga supporters at mga nakasamang kilalang personalidad sa Telebisyon at Teatro. Maayos at nagkakaisa ang bawat KakamPinks, ipinapamalas ang tunay na diwa ng tamang pamamahala—walang yabang, walang bahid ng katiwalian, kundi tapat na paglilingkod ang hangarin para sa bayan
Nang ipinakilala si Atty. Leni Robredo para magtungo sa stage, sabay-sabay na tumayo ang mga tao, kumaway ng banderitas, at inilawan ang Arena gamit ang cellphone flashlight at iba pang pailaw. Ito ang unang beses kong makita nang malapitan sina Atty. Leni Robredo, Bam Aquino, Kiko Pangilinan, Chel Diokno, Leila De Lima, at ang mga host ng programang ito. Bagama’t hindi ako nakakuha ng selfie sa kanila, dama ko ang saya at pag-asa na kanilang hatid.
Lalo kong nadama ang sinseridad ni Atty. Leni Robredo at ng buong team dilawan at pinklawan (kung tawagin ng iba) habang siya’y nagsasalita at ipinapakilala sina Kiko at Bam. Tumimo sa puso ng mga tagasuporta ang kanyang panawagan:
“Muli nating patingkarin ang paligid. Pinturahan ang mga pader, kumanta at sumayaw para sa pag-asa. Muli tayong bumaba sa mga komunidad para ipakilala ang mga tunay na senador ng taumbayan. Ibahagi sa kanila ang pruweba na posibleng magkaroon ng mga lingkod-bayan na tapat, mahusay, may malinis na track record, at tunay na may malasakit sa mga Pilipino.”
Matapos nito, muling umalingawngaw sa buong Arena ang sigaw ng madlang people nang sambitin ni Atty. Leni Robredo ang katagang, “TARA NA, IPANALO NA NATIN ‘TO!” At maging ako ma’y hindi nakapagpigil sa aking paghiyaw. Tila nanumbalik sa aking isipan ang dumaan na 2022 national elections na aking sinubaybayan sa pamamagitan ng panonood ng Live sa iba’t ibang online platforms.
Sa kabila nang lahat ng kaganapan ito, lubos naman ang pasasalamat nina senatorial candidates Kiko Pangilinan at Bam Aquino sa paglalahad ng suporta sa naging talumpati ni Atty. Robredo.
“Maraming salamat, Ma’am Leni, sa inyong tiwala at suporta sa ating kandidatura sa pagkasenador para itaguyod ang mas magandang kinabukasan para sa lahat ng Pilipino!” ani Kiko Pangilinan.
Sina Kiko Pangilinan at Bam Aquino ay tumatakbo sa ilalim ng panawagan ni Atty. Leni Robredo, kasama ang pagsuporta sa ML Partylist na pinangungunahan ni Leila De Lima at AKBAYAN Partylist na pinangangasiwaan ni Professor Chel Diokno.
Bilang isang tagasuporta ng kanilang malinis na pangangampanya, adbokasiya, at tapat na pamamahala, naniniwala akong sila ang mga pinunong kailangan natin ngayon. Sa gitna ng mga pagsubok at panlolokong ipinakita ng maling liderato, ito na ang pagkakataon nating pumili nang tama at nararapat para sa Pilipinas. Hindi bugso ng damdamin ang dapat manaig, yabang o tapang, kundi ang matalinong pagpili ng mga lingkod-bayan na may tunay na malasakit sa Pilipino at sa bansang Pilipinas.
Sino pa ba ang titindig para sa ating pinapangarap na maayos at maunlad na pamumuhay at bansa? Kundi tayo ring mga Pilipino. Dapat maging mapanuri at matalino tayo sa pag-PILI ng iluluklok sa pwesto ngayong darating na Halalan 2025.
Ika nga ni maam Leni, TARA NA, IPANALO NA NATIN ‘TO! IPANALO NA NATIN SILA!
DISCLAIMER: THIS IS NOT PAID ADVERTISEMENT!

















Discover more from Rexpress Balita
Subscribe to get the latest posts sent to your email.















Leave a Reply