Advertisement

Angara, Pumuri sa “Simple pero Makapangyarihang” SONA ni  PBBM: DepEd, Ibinida

MANILA — Tinawag ni Departent of Education Secretary Juan Edgardo “Sonny” Angara ang ika-apat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang isang “simple pero makapangyarihang mensahe” na tumutok sa pang-araw-araw na laban ng karaniwang Pilipino.

“I didn’t think the President could top last year’s SONA. But somehow, he has,” pahayag ni Angara matapos ang talumpati ng Pangulo sa Batasang Pambansa nitong Lunes ng hapon.

Edukasyon, Sentro ng Talumpati

Ipinahayag ni Angara ang kasiyahan sa tinawag niyang “rare attention” sa sektor ng edukasyon sa SONA. Kabilang sa mga ipinangako ng Pangulo ang pagbibigay ng mga bagong laptop para sa mga guro sa taong panuruan 2025–2026, kasabay ng paniniguro na malinis ang proseso ng procurement—isang pahayag na tila patama sa umano’y iregularidad sa P8 bilyong laptop procurement noong panunungkulan ni dating DepEd Secretary na si Vice President Sara Duterte.

Bagong Scholarship Program

Bukod dito, inianunsyo rin ng Pangulo ang pagbubukas ng “Presidential Merit Scholarship” para sa mga high school graduates na nakatanggap ng mataas na parangal. Bagama’t hindi pa inilalabas ang kompletong detalye ng programa, umaasa si Angara na makakatulong ito upang mapalawak ang access sa mas mataas na edukasyon, lalo na sa mga mahihirap na estudyante.

Solusyon sa Classroom Shortage

Isa rin sa naging highlight ng talumpati ni Marcos ay ang pangakong makapagtayo ng 40,000 bagong silid-aralan bago matapos ang kanyang termino sa 2028. Ayon sa Pangulo, layunin nitong maibsan ang matagal nang suliranin sa kakulangan ng classrooms na nagtutulak sa mga estudyante at guro na magsiksikan at mag-double shift sa iisang silid-aralan.

Hinimok din niya ang ika-20 Kongreso na maglaan ng sapat na pondo para sa DepEd school infrastructure program.

“Hindi na dapat nauudlot ang oras sa klase ng mga estudyante dahil lang sa kakulangan ng classrooms,” ani Marcos.

Public-Private Partnership sa Edukasyon

Inilahad rin ni Angara ang planong P37.5 hanggang P60 bilyong infrastructure project na may partisipasyon ng pribadong sektor para makapagtayo ng 15,000 bagong classrooms sa taong 2027. Tinatayang makikinabang dito ang humigit-kumulang 600,000 estudyante at makakalikha ng 18,000 trabaho.

Suporta sa Mga Pangangailangan ng Mag-aaral

Kasama rin sa mga ipinangako ng administrasyon ang mga sumusunod:

  • Pamamahagi ng smart TVs, free Wi-Fi, at Bayanihan SIM cards na may libreng load para sa mga mag-aaral.
  • P6 bilyong pondo para sa pagpapatuloy ng free college education program at tech-voc scholarships.
  • Dagdag na 6,000 bagong teaching items at bayad para sa teaching overload ng mga guro.

Pagtutok sa Hinaharap

Sa kabuuan, inilarawan ni Angara ang SONA bilang makabuluhan, hindi lamang para sa mga nasa edukasyon kundi para sa sambayanang Pilipino na patuloy na umaasa sa tunay na pagbabago. #RBM


Discover more from Rexpress Balita

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

Leave a Reply

Discover more from Rexpress Balita

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading

Discover more from Rexpress Balita

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading