Ilang porsyento na nga ba ng ating mga kababayan ang nakatanggap na ng kani-kanilang National ID?
Tila marami pa rin sa atin ang hindi nakatatanggap ng kanilang National ID at isa na nga rito ay ang inyong abang-likod, mula nang magparehistro ako noong 2021.
Naalala ko noon na kasabay ko sa pagpa-rehistro ng National ID ang aking Nanay (77-years old pa lang siya noon) at ang aking kaibigan. Doon kami nagparehistro sa Robinson’s Place Pala-Pala, Dasmariñas Cavite. After two years, nitong 2023 lang ay natanggap na nga ng Nanay ko ang kaniyang PhilSys ID, bagay na nakalimutan na nga namin sa sobrang tagal na pagproseso nito. Pero nakatutuwa na rin dahil na-prioritized ang mga senior gaya ng aking Nanay kahit dalawang taon na ang nakalipas. Pero nagugulumihanan ako kung bakit hindi isinabay ang ID ko at ID ng kasama ko na magkakasabay naman kaming kumuha.
Matapos ihatid ang National ID ng aking Nanay nitong 2023, sabi sa amin ng mga taga-barangay na naghatid ng ID ni nanay sa kaniiyang bahay ay puntahan namin ang kanilang opisina kung naroon na rin ba ang aming ID. Sa kasawiang palad, wala pa rin ang aming ID.
Sa tuwing magpapagamot ang Nanay ko, kakain sa fastfood, at bibili ng gamot sa mercury drug ay hindi naman tinatanggap ang kaniyang PhilSys ID o National ID. Tila hindi pa rin ito maituturing na “valid ID” noong nakaraang taon, ewan ko lang ngayon!
Marami pa rin sa mga tanggapan ng gobyerno at mga pribadong opisina at maging sa mga bangko ay tila may diskriminasyon pa rin sa pagpresenta ng National ID ng ilan nating mga kababayan. Isa na nga ang aking Nanay. Hindi ko naman nilalahat pero talagang hindi mo na lang ipapakita ang iyong national ID kaysa makipagtalo ka pa. Lalo na sa Nanay kong 80-years old na, kahit sa samahan ng mga senior sa aming lugar ay hindi ‘acceptable’ ang national ID. In short, kahit saan magpunta ang Nanay ko bitbit ang kanyang national ID ay may diskriminasyon pa rin talaga sa napaka walang “awtentika” ng ID na ito. Kaya hanggang sa ngayon, hindi ko na inintindi ang pagkuha ng national ID ko. Isa lang ang Nanay ko sa maraming nakararanas ng ganitong diskriminasyon sa national ID. Paano pa ang iba?
Sa makatuwid, nitong nakaraang taon ay pina-iimbestigahan ito ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III sa Senate Blue Ribbon Committee Philippine Statistics Authority dahil sa pagka-delay ng national ID card. Kaya ngayon, may update ang Bangko Sentral ng Pilipinas ukol sa usaping ito.
Nito lamang nakaraang araw, tinapos na nga ng Monetary Board ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang kontrata nito sa All Cards Inc. (ACI), ang supplier ng PhilSys ID cards.
Ayon sa BSP, hindi umano sinunod ng ACI ang kanilang kasunduan sa mga balidong utos na nakapaloob sa kanilang kontrata. Ilan dito ay ang pagkabigo na magbigay ng komprehensibo at makatotohanang catch-up plan, pag-abandona sa kontrata, pagkakaroon ng 7% wastage na lagpas sa 1% maximum allowable maximum wastage.
Base sa dokumento na nilagdaan ni BSP Monetary Board Secretary Clifton Abot, “As of June 30, the cumulative liquidated damages due from ACI have reached more than 10% of the contract price. The contract is hereby deemed terminated from receipt by ACI of the notice decision. No other paper or document shall be entertained by the Monetary Board.”
Sa ilalim ng Monetary Board Resolution No. 962, tinapos na ang kontrata para sa technical and maintenance support personnel; training ng BSP at Philippine Statistics Authority personnel; supply at delivery ng raw materials, consumables, at wear-and-tear spare parts para sa 116-milyong piraso ng PhilID cards.
Bigong maihatid ng ACI ang kanilang serbisyo para sa produksyon ng naturang ID dahil sa marami itong rason. Isa na nga rito ay ang hindi nila kayang i-maintain ang production machinery dahil sa kawalan ng spare parts kung bakit nagkakaroon ng delay sa pag-imprinta ng ID.
Hindi lang ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ng isyu ang ACI sa pag-suplay ng ID. Nitong nakaraang taon, na-diskwalipika din ang ACI sa paghahatid ng driver’s license cards kahit nagbigay pa ito ng lowest bid.
Sa ganitong pangyayari, tama lamang ang ginawa ng BSP na bitawan na ang kanilang kasunduan kung hindi rin naman ito nagagampanan. Lalo pa’t taumbayan ang makikinabang sa lahat na ito. Mahalaga ang national ID lalo na sa panahon ngayon na ang pinaka sentro ng bawat usapin ay ang ating pagkakakilanlan.
Mahalagang pagtuunan ng gobyerno ang ating pagkakakilanlan hindi lamang sa pagkuha ng impormasyon ng bawat indibidwal para sa inaasam na awtentikadong ID bagkus, mapag-aralan din ng bawat ahensya ng gobyerno ang background ng mga pipiliin nilang suppliers na dapat magampanan nito ang kanilang tungkulin. Suriin ang bawat kompanyang kukunin kung may kakayahan nga ba itong maihatid ang kanilang serbisyo ng tuloy-tuloy. Mahalaga ang ultimatum sa isang kasunduan kung hindi naman kayang gampanan ang nakapaloob sa bawat sinasambit sa kontratang minarkahan ng bawat lupon.
Para sa mga hindi pa nakukuha ang national ID, maaari ninyong i-download ang digital copy ng inyong national ID sa mga link na ito:
https://rsso07.psa.gov.ph/content/get-your-digital-national-id-now

Discover more from Rexpress Balita
Subscribe to get the latest posts sent to your email.















Leave a Reply