Advertisement

Purchase Booklet para sa mga Senior at PWD, tanggalin na!

Siguro naman, panahon na para tanggalin ang “Purchase Booklet” sa mga senior citizen at PWD na patunay na isang diskriminasyon sa kanilang estado na kapag hindi nila bitbit ang booklet ay hindi sila makakapag-avail ng diskwento sa kanilang binibili gaya ng mga gamot, grocery at iba pang pangangailangan.

Kahit ako ay danas ko ang ganitong proseso sa tuwing ako ay bibili ng mga gamot ng aking Nanay. Hindi naman generic ang iniinom niyang pang maintenance sa highblood, diabetes, cholesterol, sa puso at gamot niya para sa katarata, at maging ang gatas na binibili ko para sa kanya. Bukod dito, may mga labtest din siya every after 3 months depende sa rekomendasyon ng kanyang attending physician.

Matagal ko na rin itong dinadaing sa tuwing ako’y bibili ng mga gamot ni Nanay. Hindi lang din si nanay ang may maintenance kundi pati ako ay sakitin na rin at may mga iniinom na gamot na hindi ko na rin ma-afford. Although pre-diabetic ako, mataas ang cholesterol at triglyceride ko, may gamot para sa paninikip ng dibdib, para sa GERD, at fatty liver ko na hindi pa tapos ang aking gamutan. At kung kailan ako tumanda saka naman ako nagka-hika at pneumonia. May family history kasi kami na asthmatic at may kapatid akong namatay sa pneumonia.

Biruin mo, sa gamot pa lang ng nanay ko nasa P6,000 kada buwan ang ginagastos ko kasama ang kanyang gatas na Ensure na ngayon ay inirekomenda ng kaniyang doctor na palitan na ito ng Diabetasol na mas mahal ng kaunti, hindi pa kasama rito ang mga gamot ko. Yun nga lang hindi naman ako senior o PWD para ma-enjoy din ang pahirapang diskwento sa mga gamot na hindi agad-agad ibinibigay. At ngayong Pebrero may laboratory na naman ako. Nakakasagad talaga sobra. Pasalamat na lang ako may creditcard ako na malaking tulong para makabili ng mga gamot namin ni nanay.

Sa kagaya kong breadwinner ng pamilya, hindi sasapat ang iisang hanapbuhay lang, kaya naghahanap din ako ng mga raket na kaya kong gawin kahit nasa loob lang ng bahay dahil bawal din ako mapagod ng sobra. Marami kasi akong binabayaran din kahit wala pa akong asawa o anak. Ang talagang nagpapabigat sa aking mga gastusin ay ang mga gamot tuwing ako’y nagkakasakit, at kapag naoospital ang nanay na wala namang pension na inaasahan. Pasalamat na lang din ako dahil kahit 79 na ang Nanay ay alam niya kung paano niya ingatan ang kaniyang kalusugan, maingat siya sa kaniyang kinakain, huwag lang siyang ma-stress dahil dun ako mas kinakabahan.

Paano na lang kung wala na rin akong mahugot? Paano na lang kung ako ang pumalya? [‘wag naman Lord]. Wala namang magbibigay para sa akin sa tuwing ako’y magkakasakit. Kaya malaking tulong para sa nanay ko ang tanggalin na ang Booklet na minsan niya lang nagamit. Sana sapat na ang senior ID at PWD ID para ma-enjoy naman nila ang kakapiranggot na diskwentong pahirapan. At panawagan ko rin na sana ay mabigyan din ang kagaya kong may maintenance na mabigyan din ng pagkakataong makakuha ng diskwento sa mga gamot na iniinom ko na ang kaya ko lamang ipakita ay ang proof ng reseta ko at mga labtest results ko kung ito man ay mapapakinabangan din. ###


Discover more from Rexpress Balita

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

Leave a Reply

Discover more from Rexpress Balita

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading

Discover more from Rexpress Balita

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading