Ni RBM
MANILA, Philippines – Tuloy ang ika-apat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ngayong darating na Lunes, Hulyo 28, sa Batasang Pambansa sa Quezon City, sa kabila ng patuloy na pananalasa ng masamang panahon sa malaking bahagi ng bansa.
Ayon kay Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla, wala pa ring balak ang pamahalaan na ipagpaliban ang taunang ulat ng Pangulo sa kabila ng tatlong sabayang sama ng panahon na kasalukuyang binabantayan ng PAGASA: ang Bagyong Emong, Tropical Storm Dante, at ang southwest monsoon o Habagat, na nagdudulot ng malawakang pagbaha sa Luzon.
Mahigpit na seguridad at paghahanda ang inilalatag sa paligid ng Batasang Pambansa upang masiguro ang maayos na daloy ng programa, sakaling hindi matuloy ang kanselasyon ng naturang aktibidad.
Ano ang inaasahang laman ng SONA 2025?
Sa kanyang ika-apat na SONA, inaasahang ilalatag ni Pangulong Marcos Jr. ang mga pangunahing programa at layunin ng kanyang administrasyon sa natitirang kalahati ng kanyang termino. Bitbit niya hindi lamang ang listahan ng mga nagawa ng pamahalaan, kundi pati ang pagharap sa mga hamon sa ekonomiya, kabuhayan, imprastraktura, at serbisyong panlipunan.
Ayon kay Professor Jean Encinas Franco ng University of the Philippines Department of Political Science, mahalagang matukoy ng Pangulo ang mga konkretong hakbang upang matugunan ang mga kasalukuyang problema gaya ng inflation, kawalan ng trabaho, at sektor ng agrikultura.
Aniya, nasa ikalawang bahagi na ng termino si PBBM, at ito umano ang yugto kung kailan hinihintay ng publiko ang tunay na resulta ng kanyang mga programa. Mula sa pangakong digital transformation, food security, hanggang sa foreign policy – kailangan ng malinaw na direksyon.
Ekonomiya at mga Bilihin: Isang hamong dapat harapin
Isa sa pinakanilalabanan ng administrasyon ay ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin. Mula sa 8.1% inflation noong Disyembre 2022 — ang pinakamataas mula 2008 — unti-unti itong bumaba sa 6% noong 2023, at naging 3.2% noong 2024.
Gayunpaman, nananatiling hamon ang presyo ng bigas at iba pang pagkain, ayon sa Department of Agriculture. Patuloy ang pagsisikap ng pamahalaan na bawasan ang importasyon at palakasin ang lokal na produksyon. At ang mga hakbangin ukol sa seguridad sa oras ng kalamidad sa bansa.
Employment at Underemployment
Sa aspeto ng trabaho, positibong balita ang naitala nitong Mayo 2025 nang bumaba ang underemployment rate sa 13.1% mula sa 14.6% noong Hunyo. Itinuturing ito ng Department of Labor and Employment bilang patunay na gumagana ang mga programa para sa micro, small, and medium enterprises (MSMEs), at ang dagdag na pondo para sa skills training ng mga manggagawa.
Popularidad at Publikong Sentimyento
Ayon sa huling Pulse Asia survey noong Abril 2025, bumaba sa 60% ang approval rating ni Pangulong Marcos Jr. mula sa 65% noong Nobyembre 2024. Sa kabila nito, 59% pa rin ang nagpahayag ng kasiyahan sa pangkalahatang performance ng Pangulo, isang indikasyon na buo pa rin ang suporta ng maraming Pilipino sa gitna ng mga krisis.
Inaasahang mga Highlight sa SONA 2025 ni PBBM
- Pagpapalawak ng Build, Better, More infrastructure program
- Pinalawak na digitalization ng serbisyo publiko (e-Gov, National ID)
- Pagtugon sa isyu ng agrikultura at food sufficiency
- Pagpapaigting ng foreign investments at renewable energy projects
- Panukalang charter change at reporma sa lokal na pamahalaan
- Tugon sa mga isyung panseguridad at pangkapayapaan sa Mindanao
Ilan lamang ito sa mga dapat asahan ng ating mga kababayan upang mabatid ang tunay na problema at reporma sa kabila ng mga isyung kinahaharap ng Administrasyong Marcos.
Habang papalapit ang araw ng SONA, nakaabang ang sambayanan sa magiging direksyon ng Administrasyong Marcos. Patuloy na umaasa ang mga Pilipino na maririnig nila ang mga konkretong plano at solusyon sa mga suliraning nararanasan, mula presyo ng bilihin, kakulangan sa trabaho, hanggang serbisyo ng gobyerno.
Ito na ang pagkakataon ng Pangulo na patunayan ang bisa ng kanyang pamumuno — hindi lamang sa pamamagitan ng mga salita, kundi ng gawa, at pakikinig sa hinanaing ng nakararaming Piliino sa ating matatag at malayang Republika ng perlas ng Silanganan. #RBM
Discover more from Rexpress Balita
Subscribe to get the latest posts sent to your email.















Leave a Reply