“This is an example of politicizing,”
Ito ang naging dating para kay Vice President Sara Duterte matapos ang pagtatanong ni Senador Risa Hontiveros sa isinagawang budget hearing ng Office of the Vice President (OVP) sa Senado nitong Martes, Agosoto 20, 2024.
Sa naturang pagdinig, nagtanong si Sen. Hontiveros tungkol sa ipinamamahaging librong sinulat ni VP Duterte at kung tungkol saan ang istorya nito?
“Tell us more about the book ‘Isang Kaibigan’ at ilang kopya nito ang bibilhin ng gobyerno sa halagang P10 milyon, at idi-distribute?” tanong ni Hontiveros.
Dahil dito, nagkairingan sina VP Duterte at Sen. Hontiveros na tila minasama ni VP Sara ang pagtatanong ng Senador.
“This is an example of politicizing the budget hearing through the questions of a senator. Ang problema niya kasi, nakalagay ‘yung pangalan ko doon sa libro, at ‘yung libro na ‘yan ibibigay namin doon sa mga bata. At ‘yung mga bata na ‘yan may mga magulang na boboto, at ‘yung pangalan ko ay nagkalat doon sa kung saan man ibibigay ‘yung libro,” giit ni Duterte.
Aniya, magpapadala ang bise presidente ng kopya ng libro para sa lahat ng dumalo sa nasabing pagdinig.
“Hindi ko maintindihan ‘yung ugali ng ating resource person. It is a simple question, paulit-ulit na ‘This is politicizing.’ Ang VP ang nagbanggit ng salitang ‘boboto’, wala akong sinabing ‘boboto.’ I’m simply asking,” tugon ni Hontiveros.
“Hindi ko ma-imagine, we’re making so much trouble, so much fuss about a P10-million item na itinatanong ko lang, simpleng ‘What is the book about?’ at ilang kopya ang bibilhin ng gobyerno sa halagang P10 million at idi-distribute. I don’t appreciate this kind of attitude,” saad pa niya.
Dahil sa tugon ng Senadora, bumuwelta naman si Duterte at sinabing hindi rin umano niya maintindihan ang ugali ni Hontiveros, dahilan para banggitin ng VP ang nangyaring umano noong eleksyon noong 2016.
“Hindi ko rin maintindihan ang ugali ni Senator Risa Hontiveros. And I do not appreciate this kind of behavior and attitude,” saad ni Duterte.
“Noong 2016, tumatakbo si Senator Risa na senator, nakailang talo na siya, dalawa. Natatakot siya sa pangatlong talo niya kaya pumunta siya sa Davao, humingi siya ng tulong sa isang kagawad ng Davao. Humingi siya ng tulong sa akin thinking na hindi mananalo si Pangulong Rodrigo Duterte… Sabi ko sa kaniya, ‘Sige tutulungan kita.’,” ani Duterte.
Matapos tulungan umano ni VP Sara si Hontiveros para manalo bilang senador noong naturang eleksyon, nagulat na lamang siya [VP Duterte] na ang senadora umano ang pinakaunang umatake sa kaniyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
“Noong nanalo siya, anong ginawa niya? Siya ang pinakaunang umatake kay President Rodrigo Duterte. Anong tawag sa ugaling ganito?” saad ni Duterte.
Samantala, agad na ibinalik ni Senador Grace Poe, chairperson ng naturang pagdinig ang usapin ukol sa libro, at doon na sinagot ni Duterte na tungkol umano ito sa pagkakaibigan.
“The explanation is in the title: ‘Isang Kaibigan.’ It’s about friendship,” pahayag ni Duterte.
“Kung sana ganoon ‘yung sagot noong simula pa… Nagkuwento pa ng kuwento na sinabi dati na walang kinalaman sa tanong ko. This is public funds and we are making inquiries. Budget hearing po ito. Hindi po lahat about you. Pera po ito ng taumbayan,” saad naman ni Hontiveros. #RBM
ANO’NG COMMENT MO SA BALITANG ITO, KAIBIGAN?
PHOTO CREDIT: PHILSTAR.COM
Discover more from Rexpress Balita
Subscribe to get the latest posts sent to your email.















Leave a Reply