Sa pagkakataong ito, nais kong bigyang daan ang isang reklamo tungkol sa balanse sa “Sangla-Tira” na tila wala ng planong bayaran pa ito.
Sumangguni sa akin ang isang dalaga na nagrereklamo tungkol sa isang buyer ng sangla-tira kung paano raw ba niya haharapin ang pangba-blackmail diumano nito sa kanya ng pinagpasahan nila ng bahay sa dati nilang tinitirahan. Para mas makilala natin sila, bibigyan natin sila ng pagkakakilanlan.
Si Buyer 1 ay isang OFW, domestic helper sa Dubai na kaniyang pinakisuyuan ang panganay niyang anak na dalaga na maghanap ng malilipatan nila. Hanggang sa nakahanap ang kanyang anak ng sangla-tira sa Cavite. Agad itong kinuha ng mag-ina kahit na ito ay labag sa kagustuhan ng asawa ni Buyer 1. Oktubre 2019 sila lumipat dito. Lumipas ang ilang buwan hanggang sa dumating na ang pandemya ay hindi naman nila ito tinitirahan dahil hindi sila komportable rito. In short, naging tambakan lang ito ng kanilang gamit at doon sila nanunuluyan sa magulang ni Buyer 1. Nabili ni Buyer 1 ang Sangla-tira sa halagang P100,000 piso.
Nitong nakaraang Hunyo 2020 ay nakahanap na nga sila ng mapagpapasahan ng sangla-tira. At muling nagbayaran ang unang bumili at ang bagong titira sa nasabing bahay. Naipagbili ang sangla-tira sa magkaparehong halaga. Nagpirmahan sa barangay at humingi pa ng porsyento rito ang may-ari ng bahay mismo na may katandaan na at ang sabi ay sugarol at may bisyo daw ito kung kaya’t ang nakikipag-transact na ay kung sino ang aalis sa kanyang bahay basta kasama siya sa bayaran.
Si Buyer 2 ay may balanse sa naturang sangla-tira. Unang balanse ay 20k, nabawasan iyon ng paunti-unti, hanggang ang natira na lamang ay 5k. Sa hindi inaasahang pagkakataon, nagkaroon ng alitan si Buyer 2 sa anak ni Buyer 1 dahil sa madalas nitong paniningil kay Buyer 2.
Ayon pa sa anak ni Buyer 1, maraming kuda si Buyer 2 kesyo nagkasakit daw ito at magpahanggang ngayon ay may sakit pa rin daw at hirap din sa buhay dahil sa pandemya. Si Buyer 2 ay isang Guro at ang sabi sa anak ni Buyer 1 ay nag-resigned na raw ito sa pagtuturo at nagtitinda na lang ng kung ano-ano. Bagay na hindi pinaniniwalaan ni Buyer 1 at ng anak nito. Hanggang isang araw, nadiskubre ng anak ni Buyer 1 na iba na pala ang nakatira roon. Hindi sumasagot sa tawag si Buyer 2, kahit text man lang ay walang paramdam.
Dahil sa pag-aalala ng anak ni Buyer 1 at sa galit na rin na nararamdaman, hindi napigilan ng anak ni Buyer1 na mag-post sa Facebook page/group ng kanilang barangay. Ipinoste roon ang pangalan ni Buyer 2 para lamang mahagilap nila ito dahil walang kamag-anak doon si Buyer 2. Dumaan ang ilang araw, linggo, at buwan saka lamang ito nagparamdam ng malaman niyang ipinoste na siya sa Facebook group sa kanilang barangay at doon na nagalit si buyer 2.
Sa pangyayaring iyon, agad naman nagkaayos ang magkabilang panig. Ngunit dumating na naman ang pagkakataon na gusto ng sampahan ng kaso ang anak ni Buyer 1. Dahil sa nalabag daw ng anak ni Buyer1 ang data privacy act at cybercrime law sa ginawang pag post ng pangalan ni Buyer2 sa Facebook.
Ang tanong ngayon! Maaari bang makasuhan ang anak ni Buyer 1 dahil sa nagawa nitong pag-post ng pangalan ni Buyer 2 sa social media kahit na-delete na ang ipinoste nito at nakapagpatawaran naman daw sila noon at ngayon ay nag-iba na ang ihip ng hangin ni Buyer 2?
May karapatan ang nagrereklamo na ireklamo ang naniningil sa kanya kung ginigipit ito ng sobra at kung mapatunayang ipinost ang kanyang pangalan at iba pang impormasyon sa social media.
Para naman sa inirereklamo, kung batid mong wala kang pagkukulang sa pag-follow up sa kanya at hindi ka nakapagbitaw ng mga salitang hindi maganda at batid mo kung kailan ang petsa na inyong napagkasunduan, may karapatan kang maningil at magpaalalang muli ng itinakdang petsa ng pagbabayad.
Paano ba masasabi kung nalabag ang Data Privacy Act?
Ayon sa 2012 the Philippines passed the Data Privacy Act 2012, it is a comprehensive and strict privacy legislation “to protect the fundamental human right of privacy, of communication while ensuring free flow of information to promote innovation and growth.” (Republic Act. No. 10173, Ch. 1, Sec. 2).
Masasabi lamang na nalabag ang batas na ito kung ginamit sa mali ang impormasyon ng isang indibidwal kung may act of personal interest na ito ay gagamitin sa maling pamamaraan. Gaya nga ng paggamit ng pangalan, address, contact number at iba pang may kinalaman sa personal information ng bawat indibdwal. Ngunit kung ito ay hindi naman nagamit sa masamang paraan ay hindi nangangahulugan na nalabag ang data privacy ng indibidwal. Ang pag post ng PANGALAN ng tao na iyong kagalitan o may pinagkakautangan sa iyo ay hindi nangangahulugan na ito ay paglabag sa data privacy act. May batas na nauugnay dito at hindi ang data privacy act. Maaring sampahan ng reklamo ang taong nagkautang sa iyo mismo sa inyong barangay pero hindi ito nangangahulugan na makukulong maliban na lamang kung nagnakaw ang taong nagkautang sa pinagkautangan o nanlalamang ito.
Pwede ba siyang makasuhan ng Cybercrime?
Ayon sa Republic Act No. 10175 | Official Gazette of the Republic of the Philippines; It aims to address legal issues concerning online interactions and the Internet in the Philippines. Among the cybercrime offenses included in the bill are cybersquatting, cybersex, child pornography, identity theft, illegal access to data and libel.
Maaring makasuhan ang inirereklamo kung nalabag niya ang mga nabanggit na krimen sa batas na ito, ngunit kung wala namang pinag-ugatan sa usaping ito walang dahilan para kasuhan ang taong isinasakdal.
KUNG SAKALING INIREREKLAMO ANG NANININGIL GAYA NG SANGLA-TIRA, DAPAT MO ITONG MABATID;
- Siguraduhin na ang mga napagkasunduan sa Sangla-Tira ay dokumentado. May pirma ng bawat partido at mga saksi nito.
- Sa pagbayad ng Sangla-tira, siguraduhing naitatago ng mabuti ang resibo ng nabayaran ng mga buwan.
- Kung mayroong balanse, idokumento ang inyong napag-uusapan kung kailan ang petsa na inyong mapagkakasunduan.
- Kung sakaling matagal na panahon niya nang hindi nababayaran ang balanse at puro dahilan na lamang ang naririnig mo sa kanya at kung totoo nga bang nagkasakit ito. Mainam na humingi ng reseta na galing sa clinic/hospital o attending physician katunayan na siya ay nagpapagamot at nagkasakit.
- Manatiling kalmado at ipaliwanag ang napag-usapan at kung paano ba ito ma-settle.
- Kung may pangbo-blocked mail at nagmamatigas ang accountable sa balanse, mainam na ito ay isangguni sa barangay upang magawan ng aksyon.
MGA DAPAT ISAALANG-ALANG BAGO MAKIPAG-TRANSAKSYON SA SANGLA-TIRA
- Sa paulit-ulit na paalala ng mga otoridad, pinaaalalahanan ang publiko na bago pumasok sa transaksiyon gaya ng sangla-tira, busisiing mabuti ang mga papeles, lalo na kung malaking halaga ang pinag-uusapan.
- Maaaring mag-verify ng property sa land registration office ng mga munisipyo.
- Dapat din umanong alamin ang background ng mga katransaksiyon.
- Alamin kung ang mga nagbebenta o nag-aalok sa iyo ng Sangla-tira ay hindi humihingi ng kung ano mang kabayaran maliban sa halaga ng napag-usapan sa pagitan ng buyer at owner ng Sangla-tira.
- Respeto at tiwala ang dapat umiral sa bawat isa.
DISCLAIMER: PAUNAWA — Ang mga nakasaad dito ay base lamang sa personal na pananaw ng manunulat na may kongkretong pagtugon upang magbigay ng kaalaman sa ilan nating mambabasa. Para sa mas malalimang pagtugon sa usaping ito, maari kayong sumangguni sa mga Mambabatas na mas nakakaalam ng pagtugon sa isyung ito. Ito ay isang hinuha lamang at hindi direktibang ipinahayag ang pagkakakilanlan ng mga taong sangkot sa usaping ito. #RBM
Discover more from Rexpress Balita
Subscribe to get the latest posts sent to your email.














Leave a Reply