NAIC, CAVITE — Sinimulan na ang civil works para sa Bataan-Cavite Interlink Bridge (BCIB), isang malaking infrastructure project na magkokonekta sa Mariveles, Bataan at Naic, Cavite sa pamamagitan ng tulay na tatawid sa Manila Bay.
Unang isininasagawa ang pagtatayo ng land-based approach roads, kabilang ang Bataan Land Approach. Isinasagawa ang proyekto sa pamamagitan ng magkakahiwalay na civil works packages, habang inaasahang igagawad ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang iba pang pangunahing packages habang nagpapatuloy ang konstruksyon.
Aabot sa 32.15 kilometro ang kabuuang haba ng four-lane bridge. Kabilang sa proyekto ang dalawang cable-stayed navigation bridges na may pangunahing span na 900 metro at 400 metro, humigit-kumulang 24 kilometro ng marine viaducts, at nasa 8 kilometro ng approach roads.
Kapag natapos, inaasahang mapapaikli ng BCIB ang travel time sa pagitan ng Bataan at Cavite mula sa kasalukuyang humigit-kumulang 5.5 oras hanggang 45 minuto.
Malaki rin ang inaasahang maitutulong nito sa pagbiyahe ng mga tao at produkto, lalo na sa pagitan ng Cavite at mga industrial area at seaports sa Central Luzon.
Bukod sa pagpapabilis ng transportasyon, inaasahang magbubukas ang proyekto ng mga oportunidad sa manufacturing, logistics at turismo, gayundin sa paglikha ng mga trabaho.
Inaasahan ding makatutulong ang direktang koneksyon ng Bataan at Cavite sa pagbawas ng traffic congestion sa mga pangunahing rutang ginagamit patungo at palibot ng Metro Manila.
Sa pagkumpleto ng proyekto, magiging mas mabilis at mas direktang ruta ang pagitan ng Southern Luzon at Central Luzon, na maaaring magpalakas sa kalakalan at konektibidad ng mga lalawigan. #RPB
Source: METRO CAVITE AND BEYOND
Discover more from Rexpress Balita
Subscribe to get the latest posts sent to your email.















Leave a Reply