Pinaigting ng Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Agriculture (DA) ang kanilang magkatuwang na pagbabantay sa mga pampublikong pamilihan upang matiyak ang patas na presyo ng bigas at iba pang pangunahing bilihin para sa mga mamimili.


Noong Agosto 4, nagsagawa ang dalawang ahensya ng market inspection sa New Las Piñas City Public Market bilang bahagi ng kampanya ng pamahalaan laban sa overpricing at iba pang hindi patas na gawain sa kalakalan.
Ayon kay DTI Assistant Secretary Atty. Regino Mallari, patuloy nilang mino-monitor ang sitwasyon sa merkado kasunod ng pag-alis ng P50 kada kilo na price cap sa bigas noong Hunyo upang matiyak na sumusunod ang mga pamilihan sa itinakdang patakaran ng gobyerno.
Sa isinagawang inspeksyon, sinuri ng mga opisyal ang presyo ng bigas, basic necessities and prime commodities (BNPCs), at iba pang produktong agrikultural sa 18 tindahan. Sinubukan din nila ang mga timbangan upang matiyak na tama ang dami ng produktong natatanggap ng mga mamimili.
Ayon sa DTI at DA, layunin ng patuloy na monitoring na mapigilan ang hindi makatarungang pagtataas ng presyo, masiguro ang wastong pagtitimbang, at mapanatili ang sapat na suplay ng mga pangunahing bilihin sa merkado.
Bahagi rin ito ng UPLIFT Program ng administrasyon na naglalayong protektahan ang purchasing power ng mga Pilipino at mapanatiling abot-kaya ang presyo ng mga pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan.
Hinimok naman ng mga ahensya ang publiko na iulat ang anumang kaso ng overpricing, maling pagtitimbang, at iba pang paglabag sa consumer protection laws upang agad na maaksyunan ng pamahalaan. #RPB
Source: DTI News Release
Discover more from Rexpress Balita
Subscribe to get the latest posts sent to your email.















Leave a Reply