TINATAKOT KA NA BA NG ONLINE LOAN? HINDI NA MAKATAO ANG PANININGIL! BINASTOS KA NA BA DAHIL SA UTANG? KAILAN NAGING NORMAL ANG PANANAKOT SA UTANG?!

Mga Paraan upang maiwasan ang mga Online Loan Lending na mapang-Harass at Sobrang Maningil!
Bilang ordinaryong manggagawa na may sapat lamang na kinikita kada buwan, hindi maiiwasan na ang karamihan sa atin ay kinakapos lalo na sa panahon ng biglaang pangangailangan o emergency sa pamilya. Karamihan sa atin ay nakararanas na mabaon sa utang mula sa mga online lending apps. At isa na rin ako doon! Ngunit nababayaran ko naman ito paunti-unti, pero may mga pagkakataong ako’y kinakapos at hindi agad makabayad sa oras. Sa kasamaang palad, dito ko naranasan ang mapang-abusong paniningil ng ilan sa mga online lending companies—mga text na may pagbabanta, paninira sa social media, at walang humpay na pangha-harass.
Dahil sa aking karanasan, nais kong ibahagi ang ilang mga paraan kung paano tayo makakaiwas sa mga mapang-abusong online lenders at kung ano ang mga dapat gawin kung sakaling tayo’y makaranas ng hindi makataong paniningil:
1. Mag-research muna bago umutang
Bago mag-install ng kahit anong lending app o umutang online, i-check muna ang background ng kumpanya.
- Hanapin kung ito ba ay rehistrado sa SEC (Securities and Exchange Commission).
- Basahin ang mga reviews ng ibang users – lalo na ang mga negatibo.
- Iwasan ang apps na humihingi ng access sa iyong phone contacts, messages, at photos.
2. Maging maingat sa pagbibigay ng personal na impormasyon
Huwag basta-basta magbigay ng impormasyon tulad ng:
- Listahan ng mga contacts
- Government IDs (maliban kung lehitimo at may malinaw na privacy policy)
- Access sa camera, gallery, at location ng iyong telepono
Tandaan: Kung walang malinaw na paliwanag kung paano nila iha-handle ang iyong data, delikado ‘yan.
3. Alamin ang terms and conditions bago pumirma o mag-“agree”
Marami sa atin ang hindi nagbabasa ng mga terms and conditions. Pero dito natin makikita ang:
- Interest rate
- Due date at penalties
- Legal na paraan ng paniningil
Kung masyadong mataas ang interes o masyadong maikli ang due date, magdalawang-isip ka na.
4. Huwag matakot magsumbong
Kapag ikaw ay tinatakot, hiniya sa social media, o hindi na makatao ang paraan ng paniningil:
- I-screenshot lahat ng messages o tawag bilang ebidensya.
- Magsumbong sa National Privacy Commission (NPC) kung nilabag ang iyong data privacy.
- Magreklamo sa SEC o sa PNP Anti-Cybercrime Group.
Marami nang kaso ang na-file laban sa mga abusive na lending companies, kaya may laban ka!
5. Humanap ng alternatibong solusyon sa paghiram ng pera
Imbes na kumuha ng online loan:
- Humingi ng tulong sa mga kapamilya o kaibigan
- Sumubok sa mga cooperative o micro-financing institutions na may mas magaan na terms
- Gumawa ng emergency savings kahit maliit – P50 kada linggo ay malaking tulong sa future
Panghuli: Utang ay responsibilidad, pero respeto ay karapatan
Bilang borrower, responsibilidad nating magbayad. Ngunit bilang tao, karapatan nating igalang. Hindi dahilan ang utang para tayo’y bastusin, takutin, o ikahiya. Labanan natin ang mga mapang-abusong lending apps sa pamamagitan ng tamang kaalaman, pagkilos, at pagkakaisa. ##
Photo source: blog-Rodalink.com
Originally posted in Diyaryo Milenyo Digital News
Discover more from Rexpress Balita
Subscribe to get the latest posts sent to your email.











Leave a Reply