Advertisement

Graduate ng Office Management, Tindera sa Bazaar

PASAY CITY — Kinaugalian na nating mga Pinoy ang pamimili ng mga pangregalo tuwing sasapit ang kapaskuhan. Kasabay ng pagbubukas ng mga pamilihang bagsak presyo kung ibenta at kung anu-anong mga trend ang ating mahahanap na talaga namang tinatangkilik ng lahat, ito ay ang mga Bazaar sa iba’t ibang komunidad na ating pinupuntahan gaya ng Divisoria, Baclaran at iba pang mga malalaking pamilihan at maging sa mga Mall. 

Isa sa mga hangarin ko ang magbahagi ng istorya ng bawat Pinoy vendor na nagsisikap magbanat-buto para sa pamilya. Nakilala ko si Ate Kim, 27. Tubong Sorsogon Bicol ang ating Bidang Vendor, nakatira sa Decena Street Libertad Pasay City. Nakilala ko si Ate Kim sa kahabaan ng General Mariano Alvarez o GMA Cavite kung saan makikita ang malawak na Bazaar sa Cavite na tinatawag ding Divi Mall.

OFFICE MANAGEMENT ANG NATAPOS

Tapos sa kursong Office Management si Ate Kim sa Pamantasan ng Lungsod ng Pasay. Aniya, mula ng makatapos siya ng pag-aaral ay hindi sumagi sa kaniyang isipan ang magtrabaho sa mga korporasyon. Ang gusto talaga ng ating bida ay magkaroon ng sariling negosyo sapagkat noong nag-aaral pa lamang siya ay kinahiligan na niya ang pagsa-sideline ng iba’t ibang produkto na kaniyang ibinibenta sa mga kakilala na malaki rin ang naitulong sa kaniyang pag-aaral.

NANG GRUMADUATE, NAMUHAY BILANG MAY BAHAY

Dahil nakatira sa kaniyang tiyahin noon ay bantay-sarado ang ating bida. At dahil na rin sa tindi ng pagmamahalan ng magkasintahan ay hindi rin naging madali sa kaniya na lisanin ang tiyahin at ilihim ang kanilang pagsinta. Hanggang dumating sa punto na sila ay magpakasal at ito ay tinanggap naman ng maluwag sa dibdib ng pamilya ni Ate Kim. Malaki man ang panghihinayang ng kaniyang tiyahin at maging siya dahil halos ang kaniyang tiyahin ang tumustos upang igapang ang kaniyang pag-aaral na hindi naman niya agad nasuklian.

Pero hindi doon nagwakas ang lahat, nagsumikap pa rin siyang magbanat-buto kahit may-asawa na. Nais pa rin ni Ate Kim na makabawi sa kaniyang tiyahin at masuklian din ang pagtulong sa kaniya sa pamamagitan ng pagtitinda. Dahil sa kabaitan ng tiyahin ay siya rin itong kaniyang ginagawa, ang makatulong din sa iba nilang kamag-anak na kapos sa pamumuhay.

NAPALAGO ANG BACK PAY NI MISTER

Kahit wala pa mang supling ay nais nilang maging maayos ang kanilang pamumuhay sa pamamagitan ng pagtitipid, pag-iipon at pag-iisip kung paano mapapalago ang sahod ng mister. Lalo pa ng mawalan ng trabaho ang kanyang mister noong 2011 ay minabuti ni Ate Kim kung paano niya palalaguin ang backpay ng asawa na halos P6000 lamang ang nakubra.

Dahil laki sa probinsiya ay mas pinili niyang mag-angkat ng mga paninda mula sa kanilang probinsiya at ito nga ay ang pagtinda ng dilis, tuyo at tinapa. Katuwang ang kaniyang tiyahin at ang ina nito at maging mga pinsanin. Dahil dito, napalago niya ang pera at nag-isip muli ng iba pang paninda tulad ng mga damit, short pants, sapatos at iba pa.

WALANG PINIPILING KAMAG-ANAK, LAHAT PANTAY-PANTAY ANG TRATO

Sa madaling salita nagpapautang si Ate Kim sa kaniyang mga kamag-anak na hikahos din sa buhay ng walang patubo. At kapag kumita ang pinautang na pera ay agad naman itong ibinabalik kay Ate Kim tuwing kinsenas o katapusan ng buwan. Kaya, masasabing kahit hindi siya nagtatrabaho sa malaking korporasyon ay kumikita naman ang ating bida. At halos 3 taon na niyang pinapaikot-ikot ang naging puhunan niya noon na napapakinabangan din ng iba.

“Bawat buwan ay nag-iisip ako kung ano nga ba ang masmagandang ibenta. Pero sa totoo lang, ako rin ang mamumuhunan para sa kamag-anak ko upang sila’y tulungan din. Pero kahit kailan ‘di ako nagpapatubo basta maibalik lang ang puhunan ko sapat na iyon. Parang tiyahin ko, pantay ang pagtrato sa lahat kaya ganun din ako sa kanila.” Paglilinaw ni Ate Kim.

HINDI RIN MAIIWASAN ANG PAGKALUGI

Kahit na papalapit na ang kapaskuhan ay hindi pa rin maiiwasan ang pagkalugi ng mga paninda. Maraming kakompetensiya at hindi naman daw ganun kaganda ang kitaan kahit pasko dahil sa paninikil ng mga taong malaking magpatong ng presyo ng bawat aytem (item) na apektado rin sila at ang paniningil sa pwesto na medyo may kamahalan din. Kaya marami ring maliliit na negosyo ang nalulugi at tuluyang nagsasara lalo na kung ang produkto ay ‘di naman kailangan ng mga konsyumer. Pero kahit ganun pa man ay alam niya kung ano ang makabubuti para sa kaniya, sa mga mamimili at sa mga kamag-anak niyang naasang kikita rin ng mas malaki.

“Minsan naisip kong itigil na ang pamumuhunan sa kanila (kamag-anak) pero inaalala ko ang kanilang kapakanan. Dahil marami ang maaapektohan. Kaya iisip ulit ako ng panibagong raket na papatok sa lahat. Sa awa naman ng Diyos ay bumabalik ang aking puhunan, medyo may katagalan nga lang.” pagtatapos ni Ate Kim.

KASALUKUYANG PAMUMUHAY

Ang kaniyang mister ay nagtatrabaho sa Tarlac bilang Maintenance Officer sa isang Construction company at tatlong beses lamang sa loob ng isang buwan nauwi ang mister sa kaniyang piling. Nasa Bicol naman namamalagi ang kaniyang mga magulang at ibang kapatid. Kahit ganun pa man at nag-iisa lamang sa bahay si Ate Kim ay ginagawa niyang abala ang sarili sa pamamagitan ng pagbisita sa mga paninda ng mga kamag-anak. Tulad ngayon ay nasa Cavite siya at mamayang gabi naman ay babalik na siya sa Pasay para puntahan ang kaniyang pwesto sa Bazaar. At kung kaya pa raw ng oras dadaanan pa niya ang pwesto niya rin sa kahabaan ng Baclaran. ###


Discover more from Rexpress Balita

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

Leave a Reply

Discover more from Rexpress Balita

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading

Discover more from Rexpress Balita

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading