[Posted on Berso De Estilo Pilipino on 04.23.2020]
Kumusta ka na?
Kumusta na ang naunsyaming plano natin sa buhay?
Ang layo mo na!
Hindi na kita nakikita buhat nung nakaraang buwan pa at ngayon hindi pa rin kita nasisilayan.
Nagtataguan ba tayo?
Nagtataguan ba tayo sa isang larong hindi natin batid kung sino ang taya at sino ang panalo.
Gaya na rin ba kita?
Tapos ko na kasing kausapin ang mga plato, kutsara’t kaldero.
Halos wala na ako’ng mapiga pa sa kanila.
Nakanganga na’t malayo ang tinatanaw sa karimlan.
Nilibot ko na ang buong distrito ng aking tahanan pero ‘di ko pa rin nahanap ang iyong pangalan.
Ni pagsigaw o paghiyaw mo na punung-puno ng buhay.
Ngayon ako’y nabibingi na sa sobrang katahimikan.
Sabi mo kasi magtago ako.
Magtago lang tayo.
Ginawa ko naman ‘yun.
Samantalang ikaw nanatiling nakikipaglaban sa kalabang hindi mo mahanap-hanap.
Nasa’n ka na nga ba talaga?
Inip na ako’ng makita ka.
Nagsasawa na ako’ng di ko naririnig ang iyong maingay na paghuni.
Nag-aalala na ako sa’yo.
Dahil hindi mo na ako kinakausap
Ni hindi mo ako magawang imessage
Ni pag-seen sa mga mensahe ko sa’yoay hindi mo magawa.
Heto na!
Heto na nga’t nag pop-up na sa aking messenger!
Laking tuwa ko ng bigla mo akong na-seen.
Hindi pala ikaw ‘yun.
Hindi pala ikaw ‘yung kapalitan ko ng mensahe.
Ba’t naman ngayon pa!
Kung kailan nananabik ako sa mga kwentuhan nating naunsyami.
Bigla ka naman nag kaganyan sa akin.
Hindi na pala ikaw ‘yung dati.
‘Yung dati ko’ng kausap at kasama sa buhay, habang masayang nagpapalitan ng,
“I love you! Ingat ka dyan. Dito lang ako.”
Isang mensahe pala ang iyong nais iparating sa lahat.
Tuluyan ka na pa lang namaalam.
Ang daya mo! Ang daya daya mo!!
Bakit mo ako iniwan ng ganito.
Bakit kung kelan ako nagiging matatag saka ka naman bumitaw.
Bumitaw dahil sa tagu-taguang hindi natin nahanap ang isa’t isa dahil mas kinailangan mo’ng mamili kung ako ba o sila?
Kung sila ba o ang sarili mo?
Pero pinili mo pa ring maglingkod at magtungo sa mga taong batid mo ang iyong sinumpaan para sa kaligtasan ng iba.
Ikaw pala ang panalo sa labang ito
Habang ako ang talunan dahil iniwan mo na ako.
Tatanggapin ko na lang ba ang lahat?
Dito na lang ba ulit ako maglalagi?
Sa isang sulok kung saan ako’y nakapiit
Kung saan tinuro mo sa akin na,
Huwag ako’ng maging makulit.
Huwag lumabas, huwag magpasaway
Mag-isa na naman ako sa distrito at kalye ng ating tahanan habang umaasa na balang araw ika’y muling magbabalik at sabik na mahahagkan.
Pero hindi na ‘yun mangyayari kailanman.
Hindi ko na rin alam kung hanggang kailan pa ako makikipag taguan sa buhay na ating pinaglaban na nauwi sa isang malungkot na katapusan.
Paalam na mahal, isa kang magiting na mandirigma sa panahon na kailangan ka ng bayan.
Hindi mo alintana ang iyong sinapit nang ika’y mahawa ng virus sa pandemyang ating kinakaharap.
Walang kasiguraduhan kung ako na nga ba ang susunod na mabibiktima ng taksil nating kalaban na tayo lang ang nakakaalam. [Ni RBM]
Discover more from Rexpress Balita
Subscribe to get the latest posts sent to your email.















Leave a Reply