Tuwing papasok ang buwan ng Enero, batid ng maraming Pilipino ang mga paghahandang isinasagawa ng Quiapo Church sa Maynila sa nalalapit nitong Kapistahan ng Poong Itim na Nazareno kung saan ay nagtitipon-tipon ang mga deboto sa mapaghimala at umaalingawngaw na mga panata at debosyon ng mga mananampalatayang Katoliko sa harap ng Quiapo Church.
Nagiging abala ang mga naglilingkod sa loob ng Simbahan ng Quiapo kung saan ay pinaghahandaan ang mahabang preparasyon para sa Traslacion na patuloy nating binibigyang buhay taun-taon. Nakalulungkot isipin na tila karamihan sa atin magpahanggang sa ngayon ay hindi batid ang tunay na kahulugan ng pagdiriwang na ito sa tuwing ika-9 ng buwan ng Enero.
Kaya naman, nais kong ibahagi ang maiksing kasaysayan ng ating pagtitipon-tipon tuwing nagaganap ang taunang Traslacion at kung paano nga ba nahubog ang ating kamalayan sa banal na panata at debosyon para sa ating Poong Itim na Nazareno.
Ang Poong Itim na Nazareno o Black Nazarene ay isang replica kung saan ipinipresenta nito ang imahe ni Hesus habang pasan nito ang Kanyang krus. Ang imaheng ito ay likha ng isang Meksikano at dinala sa Pilipinas noong Mayo 31, 1606, bilang bahagi ng galyon trade sa pagitan ng Espanya at ng mga kolonya nito sa Asya at Amerika.
Ang Traslacion ay ang paggunita sa paglilipat ng imahen noong Enero 9, 1787 mula Intramuros patungong Quiapo Church na kilala noon bilang Saint John the Baptist Church. Nakadambana ang imahen ng Poong Itim na Nazareno sa Minor Basilica and National Shrine of the Black Nazarene na mas kilala bilang Quiapo Church.
Ang petsa 9 sa buwan ng Enero ay ang araw kung saan ating ginugunita ang paglipat ng imahen ni Hesus sa Quiapo Church na ang tamang araw para rito ay Biyernes Santo. Hindi ito ang kapistahan ng Quiapo taliwas sa iniisip ng karamihan sa atin. Mali ang konotasyon na ang Enero 9 ay pista ng Quiapo Church, ang tamang kapistahan ng Quiapo ay tuwing Hunyo 24, o ang araw ng Kapistahan ni St. John the Baptist na siyang patron ng Simbahan na isinasagawa naman sa San Juan City.
Batid naman nating lahat na hindi na maiaalis sa tradisyon ng mga Pilipino ang pagdiriwang ng Kapistahan ng Poong Itim na Nazareno tuwing ika-9 ng Enero. Marami na rin ang nagpatotoo sa milagrong dala ng Poong Itim na Nazareno. Mula sa mga sakit o malulubhang karamdaman, mga matinding pagsubok o hamon ng buhay at kahirapan na dahil sa pagsusumikap ng mga minamahal nating Kristiyano sa pananampalataya ay patuloy nilang niyayapos ang kanilang debosyon na mapaglingkuran ang Poong Itim na Nazareno at ipakita ang kanilang tapat na pananampalataya.
Ginaganap din ang Pahalik ilang araw bago ang prusiyon kung saan marami ang pumipili sa Quirino Grandstand upang magkaroon ng pagkakataong mahawakan ang imahen at ang iba naman ay pumupunas ng tela o tuwalya sa imahen dahil sa paniniwalang ito raw ay nakagagaling at naiibsan ang kanilang mga nararamdaman at kabigatan ng damdamin. Marami rin ang nakayapak na kanilang tinitiis ang tindi ng init ng panahon at ang biglaang pagbuhos ng ulan. Hindi nila iniinda ang init, pawis, pagod, gutom, at madalas pa nga’y nasasaktan sa araw mismo ng prosisyon.
Binago rin ng pandemya ang ating pagsasagawa ng Kapistahan ng Poong Nazareno kung saan ay natuto tayo sa mga pagbabagong ito upang mas maingatan ang bawat mananampalatayang Kristiyano sa kanilang panata at debosyon na unti-unti nating ibinabalik sa mas maayos na pamamaraan katuwang ang mga awtoridad na ipinapakalat sa buong kamaynilaan.
Sa pagkakataong ito, muli nating pagningasin ang pananampalataya at pagninilay sa Kapistahan ng Poong Itim na Nazareno na siyang magbubuklod sa ating pagiging ganap na Katolikong Kristiyano. Dalangin po namin ang inyong kaligtasan, kalakasan sa araw-araw at sa araw na ating pinakahihintay, ang masayang Kapistahan ng Poong Nazareno. Viva Nuestro Padre Jesus Nazareno! #RBM
Discover more from Rexpress Balita
Subscribe to get the latest posts sent to your email.















Leave a Reply